Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa

Abide: Prayer & Fasting Filipino

ARAW 7 NG 7

Basahin ang Mateo 7:24–27

“Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato.” 
Mateo 7:24 

Karagdagang Babasahin: 1 Pedro 2:4–10

Sa Pangaral sa Bundok, ibinahagi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo at sa iba pang mga tao kung paano dapat mamuhay sa kaharian. Nagtapos ang Kanyang kilalang pangaral sa babalang ito: ikaw ba ay magiging isang tagapagtayo na may karunungan at itatayo mo ba ang iyong buhay sa bato ng Aking mga salita? O ikaw ba ay magiging isang mangmang na tagapagtayo na magsasawalang-bahala ng Aking mga salita at magtatayo ng kanyang buhay sa buhangin?

Kung ikaw ay naninirahan sa lugar na karaniwang nakakaranas ng mga pagbaha, mas may kaugnayan sa iyo ang pagsasalarawang ginamit ni Jesus tungkol sa pagtatayo ng iyong buhay sa matatag na pundasyon. Sa loob lamang ng ilang minuto, ang malakas na pagbuhos ng ulan ay maaaring sumira ng isang napakagandang tahanan. At tulad ng pagpapakita ng bagyo ng tunay na kalagayan ng pundasyon ng isang gusali, ipinapakita ng mga bagyo ng buhay kung ang Salita ng Diyos ba ang naging pundasyon ng ating buhay.

Ngayong linggo, natutunan natin na ang Salita ng Diyos ay tulad ng isang tinapay na kailangan natin para sa ating espirituwal na kalusugan, isang binhi na itinanim sa ating puso at nagbubunga, isang ilaw na nagbibigay liwanag sa ating daanan at gumagabay sa atin sa lahat ng karunungan, isang salamin na nagpapakita sa atin kung sino talaga tayo, isang martilyo na kayang dumurog sa puso nating pinatigas ng kasalanan, at isang espada na kayang tumagos sa kaibuturan ng ating pagkatao at magdala ng pagbabago.

Ito ang katanungan: Ano ang gagawin mo pagkatapos ng linggo ng pag-aayuno? Ikaw ba ay magiging isang tagapagtayo na may karunungan na magtatayo ng kanyang buhay sa matatag na pundasyon? Bagama’t ang linggong ito ay isang makabuluhang panahon ng pagsasama-sama at pakikinig sa Diyos, ang pakikilahok sa taunang limang-araw na pag-aayuno ay hindi sapat upang maitayo mo ang iyong buhay sa isang matatag na pundasyon. Magagawa lamang nating makapagtayo ng buhay na hindi mapapabagsak ng mga bagyo ng buhay sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa at pagsunod sa Salita ng Diyos.


Ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay pagsunod kay Jesus, ang buhay na Salita ng Diyos. Si Jesus ba ang pundasyon ng buhay mo?


Ang salitang “abide” ay tumutukoy sa “pananatiling matatag o permanente sa isang estado, o kaya ay pagpapatuloy sa isang lugar.” Paano mo maipapangako na muli kang mananatili—sa pagbabasa, pag-unawa, pananalig, at pagsunod—sa Salita ng Diyos?


Ang Salita ng Diyos ANG ATING MATATAG NA PUNDASYON.

Mateo 7:24

“Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato.”


Manalangin

Ama sa langit, nagpapasalamat ako sa Inyong ginawa sa buhay ko ngayong linggo. Maraming salamat dahil Kayo ay nagpapakita sa tuwing hinahanap ko ang Inyong presensya at tapat Kayong nangungusap sa akin. Ibinigay Ninyo ang handog Ninyong Salita upang maitayo ko ang aking buhay sa matatag na pundasyon ng Inyong katangian. Tulungan po Ninyo akong manatili sa Inyong Salita araw-araw upang maibaon ko ito sa aking puso at nang maranasan ko ang Inyong kapangyarihang nagdadala ng pagbabago. Sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Banal na Kasulatan

Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Abide: Prayer & Fasting Filipino

Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/