Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa
Basahin ang Hebreo 4:1–12
Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao.
Hebreo 4:12
Karagdagang Babasahin: Mga Taga-Efeso 6:13–17
Sa paghantong sa Mga Hebreo 4:12, ang may-akda ay nangusap tungkol sa araw ng pamamahinga na inilaan ng Diyos para sa atin. Nang ihayag ito sa mga Israelita, ang pagsuway nila at kawalan ng pananampalataya ay naging dahilan upang hindi nila ito tanggapin. Sa kasalukuyan, kinikilala rin ng mga na kay Cristo ang araw ng pamamahinga. Nagbigay ang sumulat ng Mga Hebreo ng babala na huwag itong ipagsawalang-bahala gaya ng ginawa ng mga Israelita upang hindi natin matularan ang pagsuway na ginawa nila.
Ang sumulat ng Mga Hebreo ay nangusap tungkol sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, at inihalintulad niya ito sa isang espadang magkabilaan ang talim. Ang mga espada ay may iba’t ibang uri ng talim, at ang bawat isa ay ginawa ayon sa itinakdang layunin para sa espada. Ang iba ay itinakda para magkaroon nang mas malakas na puwersa at ang iba naman ay itinakda para mas wasto ang babagsakan ng talim nito. Ang espada na magkabilaan ang talim ay matalas ang parehong gilid at ginawa upang maging mas tumpak ang pagsugat nito sa dapat nitong tamaan.
Gaya ng natutunan natin kay Santiago, ipinapakita sa atin ng Salita ng Diyos kung sino talaga tayo, at tulad ng natutunan natin mula kay Jeremias, ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihang durugin ang mga pusong pinatigas ng kasalanan. Dito sa Mga Hebreo, makikita natin na ang Salita ng Diyos ay isang espadang magkabilaan ang talim, at may kakayahang tumagos at paghiwalayin ang kaluluwa at espiritu, ang kasu-kasuan mula sa kaloob-loobang buto. Ibig sabihin ay kaya nitong tumagos hanggang sa kaibuturan at pinakadiwa ng kung sino tayo. Subalit sinabi rin ng may-akda na ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa. Nangangahulugan na hindi lamang nito sinusugatan ang ating puso upang ipakita kung sino tayo at ibigay ang hatol sa ating kasalanan, kundi may kapangyarihan din ito na gawin tayong ganap mula sa loob palabas.
Habang isinasabuhay natin ang ating kaligtasan kay Jesus, hindi natin nais na tumulad sa ginawang pagsuway at kawalan ng pananampalataya ng mga Israelita noong sila ay nasa disyerto. Sa halip, habang binabasa natin ang buhay at mabisang salita, ang espadang ito na magkabilaan ang talim ay tatagos sa ating mga puso at magpapakita sa atin ng tunay na nilalaman ng ating puso at patuloy na babago sa atin upang tayo ay maitulad kay Cristo habang tumutugon tayo sa Kanya nang may pagsisisi at pananampalataya.
Ang pananampalataya at pagsisisi ay mga handog ng Diyos na umaakay sa atin palapit sa Kanya. Napasalamatan mo na ba Siya para sa mga handog na ito?
Anong mga bahagi ng buhay mo ang pinananampalatayaan mong babaguhin ng Salita ng Diyos?
Ang Salita ng Diyos ang BUMABAGO SA ATIN.
Mga Hebreo 4:12
Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao.
Manalangin
Panginoon, maraming salamat sa Inyong buhay at mabisang Salita na bumabago sa akin mula sa loob palabas. Pinipili kong manatili rito kahit pa hinihiwa nito ang matitigas na bahagi ng aking puso. Panginoon, nagsisisi ako sa mga panahong namuhay ako nang ayon sa pamantayan ng mundo. Ipinapanalangin kong baguhin at gawin Ninyong bago ang aking isipan habang pinagninilay-nilayan ko ang Inyong Salita araw-araw. Palakasin po Ninyo ang aking pananampalataya at gawin po Ninyo akong mas katulad ni Cristo habang binabasa ko ang Inyong Salita. AMEN
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/