Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa
Basahin ang 1 Pedro 1:13–25
. . . dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Diyos.
1 Pedro 1:23
Karagdagang Babasahin: Marcos 4:3–9, 13–20
Sa talatang ito, sinasabi sa atin ni Pedro na tayo ay ipinanganak muli sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang Salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Sa Salita ng Diyos, makikita natin ang mabuting balita tungkol sa ginawa ng Diyos upang iligtas tayo sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng mabuting balitang ito, mauunawaan natin kung paano tayo muling ipinapanganak. Subalit hindi lamang ang plano Niyang iligtas tayo ang ipinapaalam ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ipinapakilala rin Niya ang Kanyang sarili sa atin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Pedro na ang salita ay buhay at walang hanggang.
Inihalintulad ni Pedro ang Salita ng Diyos sa isang binhi na hindi namamatay. Ang nakakatawag ng pansin sa isang binhi ay ang pagiging tuyo at mahina nito at halos walang palatandaan ng buhay bago ito itanim. Ngunit kapag ito ay nailagay sa maayos na kondisyon, nakatanim na sa isang basa at matabang lupa, umuusbong ang buhay na nasa loob nito habang tayong mga nasa ibabaw ng lupa ay naghihintay kung kailan natin ito makikita. Tulad ng binhi na kailangang maitanim sa tamang kondisyon upang mabuhay, ang Salita ng Diyos ay naghihintay na maitanim sa magandang lupa—isang pusong nananampalataya. At pagkatapos, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang Kanyang Salita ay sisibol, mag-uugat, at lalago. Magdadala ito ng buhay at kagandahan sa anumang madaanan nito.
Kapag binubuksan natin ang buhay at walang hanggang Salita ng Diyos, nakikilala natin ang Diyos ng sanlibutan, ang lumikha ng lahat ng bagay, at patuloy na lumilikha ng mga bagong bagay. Habang nakikilala natin Siya, hindi maiiwasan ang pagbabago ng buhay natin. Maaaring may mga bahagi ng buhay natin na tila natutuyo na. Maaaring nababawasan na ang pagmamahal natin sa mga naliligaw ng landas o kaya ay nanghihina na ang pag-alab ng puso natin sa misyon ng Diyos. Ang buhay at walang hanggang Salita ng Diyos ay hindi kailanman mawawalan ng kapangyarihang hipuin ang lahat ng mahina, nanunuyo, at patay na bahagi ng buhay natin upang ito ay muling mag-alab at magkaroon ng bagong buhay na walang hanggan. Sa patuloy na pagtutuwid at pagbabago sa atin ng Kanyang Salita, hindi natin maiiwasang itanim din ang walang kamatayang binhing ito— ang pagbabahagi ng magandang balita tungkol sa ginawa ni Jesus upang iligtas tayo—saan man tayo pumunta.
Isipin ang panahon kung kailan mo unang narinig ang ebanghelyo. May nagbahagi ba nito sa iyo? Pag-isipan ang panahong ito at pasalamatan ang Diyos sa ibinibigay Niyang kaligtasan.
Dahil ang salita ay buhay at walang hanggan, ano ang ilang bahagi ng buhay mo na maaaring muling maging bago ngayong linggo?
Ang Salita ng Diyos ang BUMABAGO SA LAHAT NG BAGAY.
1 Pedro 1:23
. . . dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Diyos.
Manalangin
Aming Diyos, naniniwala ako na ang Salita Ninyo ay isang binhing hindi namamatay na kayang bumago sa lahat ng bahagi ng buhay ko. Maaari kong dalhin sa Inyong harapan ang kalituhan ko, ang lahat ng nawasak sa buhay ko, at ang kawalan ko ng kapanatagan. Alam ko na ginagawa Ninyo akong ganap, buo ang loob, at panatag sa pamamagitan ng binhi ng Inyong Salita. Inalis Ninyo ako sa kamatayan at dinala sa buhay, at matapat Ninyong gagawing ganap ang magandang gawaing sinimulan Ninyo sa buhay ko. Panginoon, ipinapanalangin ko na patuloy Ninyong baguhin ang aking buhay upang maipahayag ko ang Inyong pagmamahal sa mga tao sa paligid ko. Dahil sa Inyong Salita na itinanim Ninyo sa akin, buong tapang kong maipapahayag ang ebanghelyo saan man ako magpunta. AMEN
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/