Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Abide: Prayer & Fasting FilipinoHalimbawa

Abide: Prayer & Fasting Filipino

ARAW 5 NG 7

Basahin ang Jeremias 23:23–32

Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato. 
Jeremias 23:29

Karagdagang Babasahin: Mga Gawa 2:37–38

Ang propetang si Jeremias ay nabuhay noong panahong may kaguluhan sa bayan ng Judah. Nagsimula siya sa pagiging isang propeta sa ilalim ng paghahari ni Haring Josiah, ang huling matapat na hari, at nagpatuloy siya sa pagbibigay ng mga propesiya hanggang sa mga huling taon bago malupig ang Jerusalem sa ilalim ni Nebucadnezar, na naging dahilan upang ipadala sila bilang mga bihag sa Babilonia.

Sa kabuuan ng ministeryo ni Jeremias, ipinahayag niya ang mapait na mensahe ng paparating na paghuhukom. Tinawag din niya ang mga tao na talikuran ang masama nilang pamumuhay at ang paniniwala nila sa mga diyos-diyosan, at sa halip ay manumbalik sa kanilang purong pagsamba sa nag-iisa at tunay na Diyos. Subalit hindi nakinig ang mga tao kay Jeremias. Sa halip, pinili nilang makinig sa mga huwad na propeta—mga taong nagbigay ng mga kaakit-akit na mga mensahe na nagpahayag ng mga nais nilang marinig sa halip na pakinggan ang ipinapahayag ng Panginoon.

Kabaligtaran ng mga walang saysay at walang halagang mga salita ng mga huwad na propeta, ang Salita ng Diyos ay maihahalintulad sa isang martilyo na may kakayahang dumurog ng pinakamatigas na bato. Kapag nakikita mo ang salitang “martilyo,” maaaring maisip mo ang martilyo ng isang karpintero na ginagamit sa mga proyekto sa loob ng bahay upang ibaon ang mga pako sa isang bagay. Subalit sa kontekstong ito, mas mainam na isipin ang martilyo ng isang magbabakal o panday na ginagamit upang buuin ang nais na hugis sa isang bakal. Kung gagamitin nang may malakas na puwersa, kaya nitong basagin ang isang bagay.

Sa pamumuhay natin kasama ni Jesus, maaari pa ring maging matigas ang ating mga puso. Maaari itong mangyari dahil sa mga itinatago o hindi natin inaaming kasalanan, kinikimkim na sama ng loob na nagmumula sa hindi pagpapatawad, o kaya ay pangungutya na pumapasok sa ating mga puso kapag ang ating panalangin ay hindi natutugunan. Sa mga ganitong panahon, maaari tayong magtuon ng labis na atensyon sa social media, sa pagbabasa ng mga negatibong balita online, at sa walang sawang panonood ng telebisyon sa halip na manatili sa Salita ng Diyos.

Subalit kapag binuksan na natin ang Salita ng Diyos at tumugon tayo nang may pagpapakumbaba at pagsisisi, mararanasan natin ang bigat ng martilyo na kayang dumurog at bumasag ng kasalanan, sama ng loob, at pangungutya ng isang matigas na puso.


Paano mo naranasan ang paglambot ng iyong puso sa ilalim ng Salita ng Diyos? Pasalamatan Siya sa kapangyarihan Niyang baguhin ang puso mo.


May mga partikular ba na sandali o paghihirap na naging sanhi ng pakikinig mo sa mga “huwad na propeta” sa halip na lumapit sa Salita ng Diyos?


Ang Salita ng Diyos ang NAGPAPALAMBOT NG ATING PUSO.

Jeremias 23:29

Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato.


Manalangin

Aming Diyos, kilala Ninyo ang puso ko nang higit pa kaysa ninuman, at minahal pa rin Ninyo ako kahit na lumayo ako sa Inyong pamamaraan. Ipakita Ninyo kung paano ako lumayo at ibalik Ninyo ako sa matatag na lugar. Nagsisisi ako sa pagtitiwala ko sa mga bagay na sa mundong ito sa halip na sa Inyong Salita. Ang Inyong Salita ay may kapangyarihan na palambutin ang isang pusong naging bato. Binubuksan ko ang aking puso upang Inyong hubugin. Aming Diyos, habang pinalalambot Ninyo ang aking puso, bigyan po Ninyo ako ng kakayahang ibahagi ang Inyong Salita sa mga tao sa paligid ko. Sa pangalan ni Jesus, ito ang aking dalangin. AMEN

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Abide: Prayer & Fasting Filipino

Sa simula ng bawat taon, naglalaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ngayong taon, pagtutuunan natin ng pansin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, nakikilala natin Siya at tayo ay nakakaranas ng pagbabago at nagkakaroon ng kakayahang mamuhay para sa Kanya.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.everynation.org.ph/