Baluti ng DiyosHalimbawa
Ang mga lumiliyab na palaso ay hindi ginawa para pumatay o sumira; sila ay naroon upang makagulo.
Nais ng kaaway na maabala ka, kapatid. Upang malusob ka niya. At makinig ka—Hindi siya pumapana nang walang pinipiling patamaan. Sinadya niya ang kanyang estratehiya. Pinag-aralan niya ang iyong mga ugali at gawi, ang pinakamalalim na takot at kahinaan mo, at ang mga ito ang pinupuntirya niya. Batid niyang hindi ka niya mawawasak. Ikaw ay may walang-hanggang kasiguruhan kay Jesus. Ngunit ang pakay niya ay ang ilihis ang iyong pansin sa pamamagitan ng pagpapaliyab ng mga apoy sa buhay mo—katulad ng kawalan ng kapanatagan, pananakot, kabalisahan, pag-aalala, at pagiging abala. Gusto niyang mawala ang pagtuon mo habang pumupuslit siya sa likod mo.
Sa Mga Taga-Efeso 6, binibigyang-kahulugan ni Pablo ang sinturon, baluti sa dibdib, at ang sapatos bilang espirituwal na uniporme na dapat isuot ng mga mananampalataya sa lahat ng oras. Minu-minuto. Araw-araw. Ngunit patungkol sa panangga ng pananampalataya, iniuutos niyang ito ay "hawakan."
Ganito iyon: Ang isang nars ay nagsusuot ng "scrubs" araw-araw dahil ito ang kanyang uniporme. Ngunit kapag kinakailangan, kinukuha niya ang stethoscope, ang makinang kumukuha ng presyon ng dugo, o anumang kasangkapan na gagamitin sa pasyente. Ganoon din naman, kailangan nating isuot araw-araw ang ibinigay sa ating banal na uniporme, ngunit dapat din tayong maging handa na "hawakan" ang iba pang kinakailangan natin.
Ang pinakauna sa mga sandatang ito ay ang panangga ng pananampalataya. Sa sandaling maramdaman natin ang nagliliyab na palaso na pumapasok sa buhay natin, ginagamit natin ang pananampalataya bilang proteksyon sa ating mga buhay.
Huwag mong palampasin ang kabalintunaang nakapaloob dito. Nagpapadala ang kaaway ng nagliliyab na palaso sa buhay mo lalong-lalo na kapag ikaw ay tinatawag upang lumakad sa pananampalataya. Ang mga palasong iyon ay talagang pinakawalan upang hindi mo magawa ang tanging bagay na may kapangyarihan upang maapula ito: ang lumakad sa pananampalataya!
Nagmimintis ang mga nagliliyab na palaso dahil sa pananampalataya. Anong hinihingi ng Diyos na gawin mo? Gawin mo ito! Nang may Pananampalataya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa buong araw, araw-araw, isang hindi nakikitang digmaan ang nagngangalit sa paligid mo — hindi nakikita, hindi naririnig, pero nararamdaman sa bawat aspeto ng iyong buhay. Isang nakatuon, mala-demonyong kaaway ang naghahanap para gumawa ng gulo sa lahat ng mahalaga sa iyo: ang iyong puso, ang iyong isipan, ang iyong buhay may-asawa, ang iyong mga anak, ang iyong mga kaugnayan, ang iyong katatagan, ang iyong pangarap, ang iyong kapalaran. Subalit ang kanyang plano sa pakikipagbaka ay umaasa na mahuli kang walang kamalay-malay at hindi armado. Kung ikaw ay pagod nang laging tinutulak sa kung saan-saang direksiyon at nalingat ka sa pagbabantay, ang pag-aaral na ito ay para sa iyo. Ang kaaway ay laging nabibigo kapag nakakakita siya ng isang babaeng nakadamit para sa okasyon. Ang Baluti ng Diyos, higit pa sa pagiging biblikal na paglalarawan ng imbentaryo ng mananampalataya, ay isang plano ng pagkilos para sa pagsusuot nito at pagbuo ng isang pansariling paraan para matiyak ang tagumpay.
More