Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagwawagi sa Digmaan sa Iyong IsipanHalimbawa

Winning the War in Your Mind

ARAW 1 NG 7

Ang ating mga buhay ay gumugulong patungo sa direksyon ng ating pinakamalakas na saloobin. Ang ating pag-iisip ang bumubuo sa ating pagkatao.

Maaaring binasa mo iyon at inisip na ako ay naging masyadong dramatikong mangangaral na gumagamit ng eksaherasyon upang makuha ang iyong atensiyon. Ngunit hindi ito isang eksaherasyon.

Ang ating mga buhay ay tunay na sumusunod sa direksyon ng ating mga saloobin. Habang mas nauunawaan natin ang katotohanang iyon, mas magiging handa tayong baguhin ang landas ng ating mga buhay. Ngunit huwag mong basta-basta paniwalaan ang aking mga sinasabi. Parehong nagbigay ng mga katibayan ang Biblia at ang makabagong agham na ito ay totoo. Kung kaya't sa buong Gabay sa Biblia na ito, tayo ay tutuklas ng parehong Banal na Kasulatan at kung anong napag-alaman natin sa siyentipikong pananaliksik. Narito ang isang maikling halimbawa ng dalawa:

Sa Mga Taga-Filipos 4:8–9, isinulat ni apostol Pablo, “Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”

Sa mga talatang ito, si Pablo ay nagtungo mula sa

  • pag-iisip (“dapat maging laman ng inyong isip”) papunta sa
  • gawa (“isagawa ninyo”) papunta sa
  • pagdanas (“sasainyo ang Diyos”).

Sinasabi ni Pablo na ang ating mga iniisip ang huhubog sa ating mga buhay.

Nitong nakaraang mga taon, ang isang buong disiplina ng makabagong sikolohiya ay nabuo na tinatawag na cognitive behavioral therapy. Ang matagumpay na katuruang ito ay naghahayag na ang maraming problema, maaaring sakit kaugnay sa pagkain o mga hamon sa relasyon, adiksyon, at maging ilang anyo ng pagkalungkot at pagkabalisa, ay nag-uugat sa mali at negatibong paraan ng pag-iisip. Ang paggamot sa mga suliraning ito ay nagsisimula sa pagbabago ng pag-iisip.

Hindi ko alam sa iyo, ngunit kapag ang Biblia at makabagong sikolohiya ay pareho ang sinasabi, gusto kong alamin pa ito.

Ang ipinapahayag ng agham ngayon ay kung ano ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Solomon noong tatlong libong taon na ang nakalilipas: “Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya.” Mga Kawikaan 23:7 ABTAG01

Kaya naman kung parehong ang Biblia at makabagong agham ay nagtuturo sa atin na ang ating mga buhay ay sumusunod sa direksyon ng ating pinakamalakas na saloobin, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili, “Nagugustuhan ko ba ang direksyon kung saan dinadala ako ng aking mga pag-iisip?” 

Kung ang sagot mo ay hindi, marahil ay panahon na upang baguhin ang iyong pag-iisip. Marahil panahon na upang magpasiya ka na baguhin ang iyong saloobin upang mabago ng Diyos ang iyong buhay.

Kung ikaw ay nag-aalinlangan, ayos lang iyon. Maniwala ka, naiintindihan ko. Lahat tayo ay bigong sumubok na baguhin ang ating mga maling kaugalian at sapilitang iniaayos ang ating mga kaisipan sa tamang landas. Ngunit ngayon hindi ka na nag-iisa. Malapit mo nang matuklasan na sasamahan ka ng Diyos upang baguhin ang iyong kaisipan. 

Sa tulong ng Diyos, kaya mong mabago ang iyong pag-iisip. Maaari mong itigil ang paniniwala sa mga kasinungalingan na pumipigil sa iyo. Maaari mong wakasan ang masamang siklo ng kaisipan na mapanira sa iyo at sa iba. Maaari mong hayaan ang Diyos na baguhin ang iyong kaisipan sa pamamagitan ng pagbabad sa Kanyang di-nagbabagong katotohanan.

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Winning the War in Your Mind

Karamihan sa mga labanan ng buhay ay naipapanalo o naipapatalo sa isipan. Kaya papaano natin mapapagwagian ang karamihan ng mga labanang iyon? Sa 7 na araw na Gabay sa Biblia na ito mula sa aklat ni Craig Groeschel na Pastor ng Life.Church, tutuklasin natin kung paano labanan ang mga nakalalasong pag-iisip, pagtagumpayan ang di-masupil na mga kaisipan, at magsimulang mapagwagian ang digmaan sa ating isipan gamit ang katotohanan ng Diyos bilang ating plano sa pakikibaka.

More

Malugod naming pinasasalamatan si Pastor Craig Groeschel at ang Life.Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagan pang kaalaman, maaring bisitahin ang: www.craiggroeschel.com