Mga EmosyonHalimbawa
Nagpamalas si Jesus ng Tunay na Habag
Sa ating 24-oras na agarang paghahatid ng balita, panay ang trahedya sa paligid natin, na sa kasaamaang-palad, ay parang nagiging normal na lang ito sa atin. Ang kombinasyong ito ng agarang paghahatid ng balita at social media ay nagmanhid na sa atin sa sakit. Ayaw nating masaktan—kaya't nilalaktawan na lang natin. Ngunit bilang mga tagasunod ni Jesus, tinatawagan tayo na makitangis sa mga tumatangis at ibigin ang ating kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili.
Makikita natin si Jesus, noong narito Siya sa mundo, na hindi lang nakaramdam ng habag para sa mga nasasaktan, kundi tumugon din sa mga makabuluhan at mapagmahal na gawaing nakabuti sa kanila. Kaya't, ano ba ang tunay na habag?
Ang salitang "compassion" (Ingles para sa habag) ay may dalawang bahagi. Ang unang bahagi, “com” ay unlaping nangangahulugan ng “may kasamang.” Ang pangalawang bahagi, “passion,” ay mula sa Griegong salitang “pagdudurusa.” Kung gayon, ang literal na ibig sabihin ng "compassion" ay “kasamang magdurusa.” Kung talagang magiging tulad tayo ni Jesus, hindi sapat na i-like natin ang isang social media post at walang gawing patungkol dito. Dapat talaga tayong maglingkod sa iba, at talagang mahalin sila. Tingnan ang sinasabi ng Roma 12:9-10 RTPV05:
Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Roma 12:9-10 RTPV05
Kung gayon, paano natin matitigilang naisin lang na makatulong sa iba at talagang tulungan sila nang may tunay na habag?
- Kapag naisip mong ipanalangin ang ibang tao, talagang manalangin na. Doon mismo. Naranasan na nating lahat ito. May makikita tayong social media post ng isang kaibigan na humihingi ng panalangin, at sasabihin mong gagawin mo ito ngunit malilimutan. Nangyayari iyon. Ngunit paano kung hindi naman? Sa susunod na makita mo ang kaibigan mong humihingi ng panalangin, manalangin para sa kanila doon mismo. Maaari mong subaybayan ang mga pakiusap ng panalangin dito mismo sa App ng Biblia! Gustong-gusto ng Diyos kapag kinakausap natin Siya, at alam nating malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
- Maglaan ng pondo para sa pagiging bukas-palad. Huwag maliitin ang pagiging bukas-palad. Pagplanuhan ito! Pag-isipang higitan ang iyong ikapu upang maging pagpapala sa ibang tao. Bawat buwan, pagplanuhang magsubi ng kaunti upang makatulong sa ibang nangangailangan. Maaaring bilhan mo ng pananghalian ang isang kaibigan. Maaaring tugunan mo ang pangangailangan ng isang solong ina sa inyong kalsada. Maaaring tulungan mong bumili ng mga diaper ang isang kaibigang nangangalaga ng isang ulila ngayong taon. Sa anumang paraan mong mapagpasyahang gawin, planuhing gamitin ang mayroon ka para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Hingin sa Diyos na tulungan kang matugunan ang isang pangangailangan, at gagawin Niya ito!
- Maglingkod saan man. Alam mo bang ang paglilingkod ay nakakabawas ng tindi ng stress sa iyong isipan? Totoo nga! Ngunit mas mahalaga pa, ang paglilingkod sa iba ay kalooban ng Diyos sa iyong buhay. Tigilan nang hangarin lang na makatulong sa iba. Bagkus, paglingkuran sila! May hindi mabilang na pagkakataong makagawa ng mabuti sa buhay ng iba. Siguro, para sa iyo, ito'y pagboboluntaryo bilang isang lider ng maliit na grupo sa ministeryo para sa mga bata sa inyong simbahan. O maaaring ito'y ang pag-aalok na bantayan ang mga anak ng isang kapitbahay nang walang bayad nang isang beses sa loob ng isang linggo. Maaaring ito'y pagpapatala upang maglingkod sa isang lokal na grupong nagmiministeryo sa inyong komunidad. Anuman ito, maghanap kung saan mo maaaring gamitin ang mga kaloob sa iyo ng Diyos upang matulungan ang iba.
Huwag lang nating damhin ang habag na isang emosyon. Aksyunan natin sa pamamagitan ng pamumuhay nang tulad ni Jesus—pakikiisa sa pagdurusa ng iba at pagpapakita ng radikal, at inuuna-ang-iba na pagmamahal.
Manalangin: Jesus, salamat sa pagmomodelo Mo ng kung paano magkaroon ng habag para sa mga nakapaligid sa akin. Tulungan akong magpakita ng tunay na habag. Imulat ang aking mga mata sa mga pangangailangang nasa harap ko, at tulungan akong tugunan ang mga ito. Tulungan akong mamuhay at magmahal nang mas tulad Mo ngayon. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang marami sa atin ay sinusubukang iwasan o huwag pansinin ang ating mga emosyon. Maaaring iniisip pa natin kung ang ating pananampalataya at mga emosyon ay magkalaban. Noong panahon ni Jesus dito sa lupa, lubos na nadama ni Jesus ang mga emosyon. Hindi Siya malayo sa atin. Siya'y kasama natin—kahit sa ating mga emosyon. Sa 7-araw na Gabay sa Biblia na kasama ng serye ni Pastor Craig Groeschel na Emotions, titingnan natin kung paano namuhay si Jesus upang matuklasan kung paanong ang mga emosyon natin ay makakadagdag sa ating pananampalataya.
More