Mga EmosyonHalimbawa
Maaaring Paganahin ng Mga Emosyon ang Iyong Pananampalataya
Naramdaman mo na ba na tila magkalaban ang iyong mga emosyon at iyong pananampalataya? Maaaring sumusunod ka kay Jesus, ngunit mayroon kang isang kaibigan na panay ang post sa social media ng mga bagay na nakakabaliw. Maaaring nasumpungan mo na ang sarili mong pinagsisisigawan ang iyong mga anak o iyong mga kapamilya. O maaaring hindi maalis-alis ang kabalisahang nararamdaman mo tungkol sa isang pag-aalinlangang iyong pinagdadaanan.
Naranasan na nating lahat iyan. Lahat tayo'y may naranasan nang mga emosyong hindi kanais-nais at tuloy ay ipinagtataka natin kung napakaselan ba ng ating pananampalataya.
Ngunit ano kaya kung hindi magkalaban ang ating mga damdamin at pananampalataya? Ano kayo kung ang mga damdamin pala natin ang makakapagpagana ng ating pananampalataya?
Dumating si Jesus bilang isa sa atin. Siya ay lubos na tao at lubos na Diyos. Naranasan Niya ang bawat emosyon natin, ngunit hindi Siya nagkasala. Hindi mga emosyon ang problema—kadalasan ang tugon natin sa mga ito ang nagiging problema.
Kaya nga, gustuhin man nating itago ang ating mga emosyon, kalimutang nariyan sila, o mamanhid sa mga ito sa tulong ng isang galon ng sorbetes—mahalagang tandaan na ang Diyos ang lumikha sa ating mga emosyon. Dinisenyo Niya tayo na nakakapag-isip at nakakaramdam.
Sa katunayan, makikita natin si Jesus sa kabuuan ng Banal na Kasulatang nagagalit, sumasama ang loob, nabibigo, at dumaranas ng napakaraming iba pang emosyon. At sa bawat emosyon, mapupuna natin Siyang kumukonekta nang mas malapit sa Kanyang Ama.
Sa katunayan, sa Mateo 26:37-39, makikita natin si Jesus na nababagabag at nahihirapan ang kalooban dahil sa napipintong pagpako sa Kanya sa krus. Gayunpaman, sa gitna ng Kanyang hapis, nanalangin Siya sa Ama na ang kalooban ng Diyos ang mangyari.
Iyan ang susi. Hindi ipinagsawalang-bahala ni Jesus ang kanyang hapis, at hindi Niya ipinagsasawalang-bahala ang sa atin. Bagkus nangako Siyang sasamahan tayo sa mga ito. Kaya maaaring paganahin ng ating mga damdamin ang ating pananampalataya, basta lang maging dahilan ang mga itong tumakbo tayong papalapit sa Ama.
Tingnan na lang ang sabi ni Jesus sa Juan 16:20 nang sabihin Niya sa mga alagad ang mangyayari sa Kanya:
“Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.” Juan 16:20 RTPV05
Alam ni Jesus ang layunin ng Kanyang hapis, ngunit hindi Niya minaliit ang kalungkutan ng mga alagad. Kinilala ni Jesus na sila'y iiyak, mahahapis at malulungkot sa mga mangyayari. Hindi Niya sila sinabihang “kayanin ninyo iyan” o “magpakatatag kayo” o “huwag ninyong pansinin iyan.” Sinabihan pa Niya silang ang kalungkutan nila'y mapapalitan ng kagalakan..
Ang pagkakaroon ng mga damdamin ay hindi kabiguan. Ang mga ito'y paalalang lumapit sa Ama. Kaya't sa susunod na ilang araw, pag-uusapan natin kung paano tumugon si Jesus sa ilang damdamin Niya habang narito Siya sa mundo at kung paanong marapat nitong impluwensyahan ang ating mga pagkilos ngayon.
Manalangin: Diyos ko, salamat sa pagkakalikha sa aking may mga emosyon. Kapag ako ay nakakaramdam ng galit, takot, pagkabigo, kalungkutan, kagalakan, o ano pa mang ibang damdamin, tulungan akong tumakbo papalapit sa Iyo. Ang nararamdaman ko ngayon ay ____, ngunit alam kong kasama Kita sa damdaming ito. Ipakita sa akin ang nais mong ituro sa akin sa pamamagitan ng damdaming ito, at tulungan akong tumugon sa paraan na magpaparangal sa Iyo at sa iba. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang marami sa atin ay sinusubukang iwasan o huwag pansinin ang ating mga emosyon. Maaaring iniisip pa natin kung ang ating pananampalataya at mga emosyon ay magkalaban. Noong panahon ni Jesus dito sa lupa, lubos na nadama ni Jesus ang mga emosyon. Hindi Siya malayo sa atin. Siya'y kasama natin—kahit sa ating mga emosyon. Sa 7-araw na Gabay sa Biblia na kasama ng serye ni Pastor Craig Groeschel na Emotions, titingnan natin kung paano namuhay si Jesus upang matuklasan kung paanong ang mga emosyon natin ay makakadagdag sa ating pananampalataya.
More