Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga EmosyonHalimbawa

Emotions

ARAW 2 NG 7

Tumangis si Jesus

Naranasan mo na ba ang masaktan na kahit na anong sabihin sa iyo'y hindi nakatulong? Maaaring nakaranas ka na ng sakit na hindi mailarawan. O maaaring sinusubukan mong aliwin ang ibang tao. Ngunit sa mga sandaling iyon, madalang na may tamang masasabi na magpapahilom ng nagdudurusa nating puso. Kadalasa'y isang taong dumaramay sa atin sa ating kalungkutan ang nakakatulong. 

Kung kaya't tatlong salita lang ang bumubuo ng isa sa pinakamakapangyarihang bersikulo sa buong Banal na Kasulatan: 

Tumangis si Jesus. Juan 11:35 RTPV05

Mismong si Jesus ay nakaranas ng kalungkutan, kapinsalaan, pighati, at hapis. At kahit alam ni Jesus kung paano magwawakas ang kuwento, tumangis pa rin Siya sa kalagitnaan nito. 

Umatras tayong bahagya upang maunawaan ang konteksto ng kamangha-manghang kuwentong ito. Nabalitaan ni Jesus ang patungkol sa isang minamahal na kaibigan, si Lazaro, na may sakit. Ipinahayag ni Jesus na hindi sa kamatayan matatapos ang sakit na ito. Ngunit habang lumalala ang sakit nito, hindi siya pinuntahan ni Jesus upang pagalingin. 

Abante tayo, alam ni Jesus na namatay na si Lazaro, at naglakbay Siya upang bisitahin ito at ang kanyang pamilya. Kinausap ni Jesus ang parehong kapatid na babae ni Lazaro, at makikita Niya silang umiiyak. Paano Siya tumugon? 

Hindi Niya minaliit ang kanilang kalungkutan. Hindi Siya nagbigay ng madadaling sagot o masarap na pakinggang mga pangungusap. Kasama nila Siya, at tumangis Siya. 

Maya-maya lang, binuhay Niya si Lazaro mula sa kamatayan sa isang hindi kapani-paniwalang himala, na mistulang paunang pahiwatig ng Kanyang paparating na muling pagkabuhay na magbibigay sa lahat ng oportunidad na maging kaibigan ng Diyos. 

Ang buhayin si Lazaro mula sa kamatayan ay nagpapaalala sa ating kaya tayong muling bigyang-buhay ng Diyos mula sa ating mga kabiguan, ating hapis, at ating kalungkutan. Kaya Niyang kunin ang nawala at gawing buo ito muli. Ngunit ang marami sa atin ay kadalasang nabubuhay sa kalagitnaan ng kuwento. Natitigil tayo bago dumating ang himala—nabubuhay sa paghihintay. 

Ang kuwento ni Lazaro ay nakakapagbigay sa atin ng pag-asa hindi lang dahil masaya ang wakas nito kundi dahil naglilingkod tayo sa isang Diyos na kasama natin sa bawat yugto ng kuwento. Tinutulungan Niya ang mga nagdurusa. Kapag umiiyak tayo, kasama natin si Jesus. Nauunawaan Niya tayo. Nakikita Niya tayo, at kinakatagpo sa ating kalungkutan at kabiguan.  

Ang ating mga emosyon ay regalo mula sa Diyos na nagpapaalala sa ating lumapit sa Diyos. Kaya't kung dumaranas tayo ng hapis, hindi natin kailangang itulak ito papalayo. Kahit na alam na natin kung paano magwawakas ang kuwento, okay lang na umiyak sa kalagitnaan dahil ang pag-iyak ay maaari pa ring maging pagsamba kung aanyayahan natin ang Diyos na makibahagi rito. 

Manalangin: Jesus, salamat sa pagpapakita sa akin kung paano ko maaaring iproseso ang kalungkutan. Salamat na sinasamahan Mo ako sa pag-iyak, sa paghihintay, at sa pagsamba. Inaanyayahan Kita sa lahat ng aking kasalukuyang kalungkutan. Tulungan akong huwag balewalain ang aking kalumbayan at bagkus ay maranasan ang Iyong kagalakan sa kalagitnaan nito. Ibinibigay ko sa Iyo ang lahat. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Emotions

Ang marami sa atin ay sinusubukang iwasan o huwag pansinin ang ating mga emosyon. Maaaring iniisip pa natin kung ang ating pananampalataya at mga emosyon ay magkalaban. Noong panahon ni Jesus dito sa lupa, lubos na nadama ni Jesus ang mga emosyon. Hindi Siya malayo sa atin. Siya'y kasama natin—kahit sa ating mga emosyon. Sa 7-araw na Gabay sa Biblia na kasama ng serye ni Pastor Craig Groeschel na Emotions, titingnan natin kung paano namuhay si Jesus upang matuklasan kung paanong ang mga emosyon natin ay makakadagdag sa ating pananampalataya.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/