Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Panalangin ng PanginoonHalimbawa

The Lord's Prayer

ARAW 5 NG 8

Paglalaan

Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw

Sa isang paraan, may pagbabago sa Panalangin ng Panginoon sa puntong ito. Nagmula tayo, kumbaga, na 'tumingin sa itaas' sa Diyos patungo sa higit na 'pagtingin sa paligid' sa ating sarili at sa mga nakapaligid sa atin. Ang pagbabago ng pagtingin na ito ay sumasalamin sa Sampung Utos at ang buod ni Jesus ng tamang relihiyon: ibigin ang Diyos at ibigin ang kapwa (Mateo 22:36-40). Ngunit hindi tamang isipin na tayo ay nagbabago mula sa espirituwal patungo sa praktikal; ang katotohanan ay ang Diyos ay kasama sa bawat bahagi ng buhay.

Kailangan nating pag-isipang mabuti kung ano ang kahulugan ng pariralang ito. Laging inaakala na ang ‘tinapay’ dito ay tumutukoy sa lahat ng mga pangangailangan sa buhay. Kabilang dito ang pisikal na pangangailangan: hindi lamang pagkain kundi pati na rin ang tubig, damit, kalusugan, pera, atbp. Subalit ito ay higit pa: maaaring kabilang dito ang sikolohikal na pangangailangan katulad ng katiwasayan ng isip, pag-asa, at katapangan, at pangangailangang espirituwal katulad ng biyaya, kamalayan sa Diyos at pananampalataya mismo. Ang ‘tinapay’ ay ang lahat ng kailangan natin upang tayo ay magpatuloy. Pansinin na ang manalangin para sa tinapay ay ang pag-amin sa ating pagdepende sa Diyos. Napakadali para sa atin na tanggapin ang mapagmataas na posisyon ng pagiging isang taong tinitingnan ang lahat ng mayroon sila at nagsasabing ‘ito ay ang aking personalna ginawa’. Sa aklat ng Daniel kabanata 5, ipinahayag ng propeta ang paghatol sa masamang Haring Belsazar na may mga salitang, ‘Ngunit hindi ninyo pinarangalan ang Diyos na sa kanyang mga kamay ay hawak ang inyong buhay at lahat ng inyong mga lakad’ (Daniel 5:23). Sa ganoon ding paraan si San Pablo, sa pag-atake sa pagmamataas ng simbahan ng Corinto ay sumulat, ‘Anong nasa iyo na hindi mo tinanggap?’ (1 Mga Taga-Corinto 4:7).

Ngunit, kung may lawak sa pariralang ito, mayroon din itong limitasyon. Ang tinapay ay ang pinakapangunahing pagkain sa buhay at iyon lamang ang sinabi ni Jesus na ipanalangin; hindi ang mga luho sa buhay kundi ang mga mahahalaga. Habang ipinapanalangin natin ito huwag nating kalimutan na marami sa mundo na kung saan ang makakuha ng kahit na pinakapangunahing pangangailangan sa buhay ay isang luho. Sa pananalangin ng bahaging ito ng Panalangin ng Panginoon paalalahanan natin ang ating sarili na nananalangin tayo ng ating mga pangangailangan, hindi ng ating mga kasakiman. Dapat nating alalahanin ang lahat ng ibinigay sa atin.

Walang kalabisan sa mga salita sa Panalangin ng Panginoon at ang salitang araw-araw ay dapat magpatigil sa atin. Nakakatukso na humingi sa Diyos hindi lamang ng ating pangangailangan ngayon, kundi kung anong iniisip natin na kakailanganin natin sa hinaharap. Ngunit ang paggawa nito ay isa sa maraming mga paraan upang sirain ang layuning ng panalangin. Nais ng Diyos na ang ating mga panalangin ay nakatuon sa ating kaugnayan sa Kanya, at ang paglapit natin sa Kanya sa araw-araw kasama ang ating mga kahilingan ay nakakatulong sa pagbuo nito. Ang ating pananalangin sa araw-araw para sa ating mga pangangailangan ay nagtatatag ng isang kaugnayan na walang hanggan. 

Sa huli, hayaang ituro ko ang isang bagay na naroroon sa buong Panalangin ng Panginoon: ang maliit na salitang iyon na namin. At ito ay napakahalaga. Napakadali para sa ating pananalangin na nakatuon sa ating maga sarili ngunit hindi iyon ang pagtuon ng Bagong Tipan. Dapat tayong gumawa ng desisyon na sumunod kay Cristo at sumama sa bayan ng Diyos bilang isang indibidwal; ngunit bilang mga Cristiano dapat makita natin ang ating sarili bilang bahagi ng isang komunidad. Kapag tayo ay nananalangin, dapat nating ipanalangin ang mga nauugnay sa atin; ang ating pisikal na pamilya at pati na rin ang ating espirituwal na pamilya. At sa katunayan, isang mabuting bagay na manalangin din para sa ating mga kaibigan, kasamahan at kapitbahay. 

Sa wakas, kapag binibigyan tayo ng Diyos ng ating pang-araw-araw na ‘tinapay’ – at madalas na higit pa rito – magpasalamat tayo.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

The Lord's Prayer

Samahan si J.John sa isang walong-araw na pag-aaral tungkol sa Panalangin ng Panginoon, na lubhang malalim at kapaki-pakinabang na turo na ibinigay ni Jesus tungkol sa kung paano tayo dapat manalangin.

More

Nais naming pasalamatan si J JOHN sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin: https://canonjjohn.com