Hindi Natatakot: Paano Tumutugon ang mga Cristiano sa KrisisHalimbawa
Hindi Natatakot sa Harap ng Krisis
Napag-usapan na natin kung paano tayo, bilang mga tagasunod ni Cristo, ay makatutugon sa krisis at mga biglaang pangangailangan. Hindi tayo namumuhay sa takot; namumuhay tayo sa pananampalataya. Nabubuhay tayong handang magsakripisyo, hindi makasarili. At pinagliliwanag natin ang ilaw; hindi natin ito itinatago.
Ngunit may isang kuwento mula sa buhay ni Jesus na makakatulong sa atin sa pagharap sa mga unos ng buhay.
Minsan, si Jesus at ang Kanyang mga alagad ay nasa bangka sa gitna ng pambihirang bagyo. Si Jesus ay natutulog sa likod ng bangka. At ang Kanyang mga alagad ay nagwawala na, naniniwala silang malulunod na sila. Ganito ang nangyari:
Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?” Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” at sinabi sa alon, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?” Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa inuutos niya!” Marcos 4:38-41 RTPV05
Ang mga alagad ay nagwala sa gitna ng walang katiyakan, at nakalimutan nilang si Jesus mismo ay naroong kasama nila. Gaano kadalas ba itong nangyayari rin sa atin?
Nagwawala tayo dahil natatakot tayo sa pinakamasamang maaaring mangyari, at nakakalimutan nating si Jesus ay nariyan at kasama natin kung paanong Siya ay kasama rin ng mga alagad noon.
Kaya, bumalik tayo sa kuwento. Pinahinto ni Jesus ang bagyo, ngunit hindi naman ito talaga tungkol sa bagyo. Natuklasan ng mga alagad na si Jesus ay mas makapangyarihan pa sa kahit anong maaaaring ibato sa kanila ng buhay, at ang kaalamang iyon lamang ang makapagbibigay sa atin ng pananampalatayang labanan ang takot ngayon.
Dahil ganito iyon: Maaaring hindi laging patatahimikin ni Jesus ang bagyong nasa kapaligiran mo, ngunit ipinapangako Niyang lagi mo Siyang kasama.
Kaya't bilang tugon sa mga biglaang pangangailangan, mga likas na kalamidad, pandemya, at anumang ibato sa atin ng buhay, maaari nating sambahin Siya na hindi nagugulat sa mga nangyayari sa atin kundi lumalakad na kasama natin sa gitna ng mga ito.
Manalangin: Diyos ko, lumalapit ako sa Iyo nang may kaunting kabalisahan tungkol sa _____. Ngunit alam kong narito Kang kasama ko, katulad noong kasama ka rin ng mga alagad sa gitna ng kanilang bagyo. Hinihiling kong katagpuin Mo ako sa aking bagyo ngayon, O Diyos. Ipakita Mo sa akin kung paanong labanan ang takot sa pamamagitan ng pananampalataya. Tulungan mo akong pagliwanagin ang ilaw sa gitna ng kadiliman, at tulungan Mo akong mapagtagumpayan ang anumang kawalan ng pananampalataya. Salamat sa kung sino Ka at sa pangako mong lagi Kitang kasama. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag ang isang krisis ay nangyayari sa ating mundo, madaling kuwestyunin ang ating pananampalataya, at mahirap palitan ang pagkakagulong kinakaharap natin ng kapayapaan na ipinangako sa atin bilang mga taga-sunod ni Jesus. Sa 5-araw na Babasahing Gabay na ito na kasama sa serye ni Pastor Craig Groeschel, Not Afraid, matutuklasan natin ang tatlong bagay na maari nating gawin bilang mga Cristiano sa harap ng krisis.
More