Pagtatagumpay sa Kalungkutan: Mga Debosyon para sa mga Magulang na NagluluksaHalimbawa
Batid ko na hindi mo mawari ang isang araw na walang kirot sa ngayon. Alam ko. Sa totoo lang, ang kadalasang mga araw ay nagsisimula at natatapos (na may ilang tusok sa pagitan) na may kaunting kirot para sa akin, maging ilang mga taon na ang lumipas.
Hindi sa buhay na ito ako umaasang makalalaya sa kirot. Ang aking puso ay nakakapit sa Banal na Kasulatan na hindi natitinag kung saan ang Diyos ay nangako na aayusin anuman ang nasira. Balang araw, ang iyong bagbag na puso ay mawawala. Isang araw, ang kamatayan ay magwawakas magpakailanman. Wala nang mga libingan sa langit. Kapag ang Diyos ay lumikha ng bagong langit at bagong lupa, wala nang mga ospital, walang punerarya, walang sementeryo. O isang maluwalhating araw!
Naiisip mo ba ang ganitong lugar? Sa ilang sandali, subukang ilarawan ang mundo na walang mga aksidente na kukuha ng buhay sa isang saglit. Walang mga katawan na bibigay at hindi gagana. Wala nang kanser. Walang depekto sa pagsilang. Walang masama na lalabanan. Walang adiksyon. Walang kasalanan. Walang sakit sa puso. Walang sakit sa bato. Walang rebelyon. Walang pagpatay. Walang overdose. Walang pagpapatiwakal. Walang pagkabaog. Walang pagkalaglag. Walang pamilya na maiiwan. Walang mga bakanteng kama. Walang bakanteng upuan sa hapag. Wala nang kirot. Ang kalungkutan ay hindi na iiral. Ang depresyon ay hindi makapapasok. Hindi mananakaw ng kabalisahan ang kagalakan.
Kung naniniwala ka sa Diyos Ama at kay Jesus na Tagapagligtas, ikaw ay hihimlay sa katotohanan na ang langit ay darating. Balang araw, ang langit ay magiging iyong katotohanan. Kapag naiisip ko ang tungkol sa langit at naiisip ko na makikita ko ang Diyos nang harapan, hindi ko lang alam kung tatunungin ko Siya. Hindi ko lang alam kung ang katanungan ay nasa akin pa ring puso, kung ito ay lalabas sa aking mga labi: bakit? Tatanungin ko ba ang Diyos kung bakit ang anak ko ay kailangang mamatay? Hindi ko alam.
Kadalasan, naiisip ko na ang langit ay kamangha-mangha at perpekto na kahit paano ay nauunawaan ako kung gaano kawasak ang mundo at ang buhay ng tao dahil sila ay hiwalay sa Diyos. Ang pagkawala ni Austin ay nauunawaan ko na. Sa ibang mga pagkakataon, nailalarawan ko ang Diyos na gumagawa ng dako sa tabi Niya, ang dako para sa akin upang umupo sa tabi ng Diyos Ama at magkaroon ng mahabang pag-uusap tungkol sa aking buhay, ang buhay ni Austin, ang oras namin dito sa mundo, at kung paano Niya ginamit ang lahat para sa Kanyang kaluwalhatian.
Inilalarawan ko Siya na may lungkot sa Kanyang mga mata habang nakikipag-usap sa akin, ang Kanyang Anak. Ipapakita Niya ang botelya na kung saan tinipon Niya ang lahat ng aking mga luha. Ang aklat ay nakabukas na nakatala ang bawat araw ng aking pagluluksa, bawat luha. Maraming mga dahilan. Ang iba ay walang kinalaman sa akin, ngunit ang lahat ay may kinalaman sa Kanya.
Bigla kong naunawaan na ang lahat ng mga bagay sa mundo ay pag-aari ng Makapangyarihang Diyos. Ang lahat ng mga bagay ay nangyayari para sa Kanyang Kaharian, para sa Kanyang kaluwalhatian. Ang aking buhay, ang buhay ng aking anak, ang aking pamilya, lahat kami ay bahagi ng Kanyang kuwento. Ang katapusan ng Kanyang kuwento, gayunpaman, ay ang hinahangad ko—walang hanggang kaluwalhatian, wala nang kamatayan, wala nang kalungkutan.
Hanggang sa araw na iyon, lagi nating isipin ito! Hayaang ang iyong puso ay maitaas sa pamamagitan ng pag-iisip ng langit ngayon. Hayaang ang iyong isip ay manatili sa sulyap ng kaluwalhatian. Humanap ng lugar na ang araw ay dadapo sa iyong mukha, isara ang iyong mga mata, at subukang ilarawan ang mundo na naghihintay sa atin. Isipin ang araw na makikita natin ang Diyos nang harapan:
“Sa buong maghapon ay wala nang araw na sisikat, sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw, sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman, at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan. Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw, at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho; si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw, at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala” (Isaias 60:19–20 RTPV05).
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nang ang tatlong taong gulang na anak ni Kim ay sumakabilang-buhay, nakasumpong siya ng maraming mga babasahin patungkol sa pagdadalamhati. Sinabi niya na ang tunay niyang kailangan, gayunpaman, ay "isang tao na makapagbibigay sa akin ng payo para mabuhay, hindi lang para sa pagdadalamhati." Sa 5-araw na debosyonal na ito, ibabahagi ni Kim ang kahinaang sariwa pa, ang malalim na bukal ng karunungan, at ang kaalaman ng isang tao na nakaranas ng ganoong sitwasyon habang inaakay niya ang mga magulang na nagluluksa sa proseso ng buhay pagkatapos ng kamatayan at malampasan ang kalungkutan sa pagkawala.
More