Pagtatagumpay sa Kalungkutan: Mga Debosyon para sa mga Magulang na NagluluksaHalimbawa
Pakiramdam mo ba na parang hindi mo kakayanin na wala ang iyong anak? Ako rin. Ang paglilibing ng iyong sariling anak, pagtingin sa iyong hinaharap na wala ang iyong anak, ay napakahirap na kayanin, hindi ba? Oo naman. Marahil naitatanong mo kung paanong pinayagan ng mabuti at mapagmahal na Diyos ang ganitong kirot sa iyong buhay. Gusto ko rin ng kasagutan dito. Subalit, sa ngayon, walang sagot na dumarating. Tanging mga luha at hindi makayanang kirot.
Kaya, paano ko nalampasan ang kalungkutan sa pagkawala ng anak? Umiyak ako sa Diyos. Ang totoo, mas tama na sabihin na ako ay sumigaw at pumadyak, hiningi na ang Diyos ay sumagot sa anumang kaparaanan. Gusto kong malaman kung tunay ngang may Diyos. Ang aking isipan ay nangangailangan ng katunayan na Siya ay nagmalasakit sa akin. Hindi ko kilala ang Diyos nang mawala ang aking anak na si Austin, subalit nakilala ko Siya sa madilim, malalim na hukay ng pagdadalamhati. Doon ko Siya nakita at naramdaman ang Kanyang pag-ibig.
Ngayon, umpisahan natin sa paglalabas ng ating nararamdaman. Ituon ang iyong mga kirot sa Diyos, huwag papalayo. Hayaang marinig Niya ang mga iyak ng iyong puso. Tandaan... ang pagtugon sa mga iyak ng mga tao sa daigdig ay isa sa Kanyang mga katangian. Sa kabuuan ng Biblia, nakikita natin ang halimbawa ng pagtugon ng Diyos sa mga tao na tumatawag sa Kanya. Ang Mga Awit 34:18 ang nagligtas sa akin upang malampasan ko ang kalungkutan sa pagkawala ni Austin:
“Tinutulungan niya, mga nagdurusa at di binibigo ang walang pag-asa.” (Mga Awit 34:18 RTPV05).
Ayos lang na hilingin sa Diyos na tuparin ang mga pangakong ito sa iyo. Ang ganap na kakanyahan Niya ay ang tuparin ang Kanyang salita. Kaya, humagulgol (sumigaw o pumadyak, na katulad ko). Parang ganito:
“O Diyos, sinabi Mo na Ikaw ay malapit sa mga nawasak na puso at ang aking puso ay nadurog ng maliliit na piraso. Nasaan Ka? Hayaan mong maramdaman ko na Ikaw ay malapit sa akin; hayaan Mong mahipo kita, pakiusap ko. Panginoon, nangako Ka na ililigtas Mo yaong may mga bagbag na espiritu, at ako ay ganap na bagbag sa ngayon. Sagipin Mo ako mula sa kirot na ito, iligtas Mo ako mula sa pagkadurog sa ilalim ng bigat ng pagdadalamhati. Tulungan Mo ako, Diyos ko!”
Para sa ibang halimbawa kung paano humagulgol sa Diyos sa iyong oras ng kapighatian, basahin ang Mga Awit 18 at pakinggan kung paanong ang Diyos ay tumugon sa mga iyak ng puso ni David. Habang binabasa ang Mga Awit 18, isipin na ang pagdadalamhati ay iyong kaaway at pakinggan kung paano ka ililigtas ng Panginoon.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nang ang tatlong taong gulang na anak ni Kim ay sumakabilang-buhay, nakasumpong siya ng maraming mga babasahin patungkol sa pagdadalamhati. Sinabi niya na ang tunay niyang kailangan, gayunpaman, ay "isang tao na makapagbibigay sa akin ng payo para mabuhay, hindi lang para sa pagdadalamhati." Sa 5-araw na debosyonal na ito, ibabahagi ni Kim ang kahinaang sariwa pa, ang malalim na bukal ng karunungan, at ang kaalaman ng isang tao na nakaranas ng ganoong sitwasyon habang inaakay niya ang mga magulang na nagluluksa sa proseso ng buhay pagkatapos ng kamatayan at malampasan ang kalungkutan sa pagkawala.
More