Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paano Ko Malalaman ang Kalooban ng Diyos?Halimbawa

How Do I Know God’s Will?

ARAW 2 NG 5

Ang Nakahayag na Kalooban ng Diyos

Sa araw na ito, pag-uusapan natin ang Nakahayag na Kalooban ng Diyos. Ilang mga talata sa Biblia ang magsasabi sa atin kung ano talagang kahulugan ng paggawa ng kalooban ng Diyos. 

  • Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon (1 Mga Taga-Tesalonica 5:16-18)
  • Mamuhay nang wasto (1 Pedro 2:15)
  • Lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan (1 Mga Taga-Tesalonica 4:3)

Tila ito'y kakaibang pagkakahalo-halo ng mga alituntunin, hindi ba? Magalak, palaging manalangin, magpasalamat, mamuhay nang wasto, at teka, lumayo sa kahalayan. Pero parang may mas higit pa rito pagdating sa kalooban ng Diyos, tama? 

Marami tayong makikitang mga kautusan sa Biblia na mula sa Diyos. Narito ang ilan sa mga iyon:

  • Mahalin ang Diyos at ang kapwa.(Mateo 22:37-39)
  • Huwag gumamit ng masasamang salita. (Mga Taga-Efeso 4:29)
  • Huwag pumatay. (Mateo 5:21-26)
  • Huwag magsinungaling. (Mga Taga-Colosas 3:9)
  • Maging mapagbigay. (Lucas 12:33)
  • Tumulong sa kapwa. (Mga Taga-Filipos 2:4)

Karaniwan na para sa mga tagasunod ni Cristo na maghangad na makagawa ng malaking pagsulong para sa kaharian ng Diyos. Nais nating baguhin ang mundo ngunit hindi natin iniisip na napakahalagang baguhin ang ating bahagi ng mundo, maging ang ating mga sarili. Masyado tayong napapatuon sa kalooban ng Diyos na Hindi Nahahayag sa atin at itinatabi natin ang mga Nakahayag na kalooban ng Diyos. Ang Hindi Nahahayag na kalooban ng Diyos ay mas kapana-panabik at mas malaki para sa atin. Ang Nakahayag na kalooban ng Diyos, kasama ang napakaraming dapat at hindi dapat gawin, ay tila nakakainip at nakakasawa. Nais nating malaman kung anong inihanda Niya para sa atin sa kinabukasan ngunit sinusuway natin Siya ngayon. 

Paano kung ibabaling natin ang ating hangaring malaman ang kalooban ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na alam nating gawin? Maaaring hindi natin alam ang hinaharap nating landas pagdating sa ating mga trabaho, ngunit alam nating kalooban ng Diyos na tulungan nating ang ating kapwa ngayon. Maaaring hindi natin alam kung sinong ating mapapangasawa, ngunit alam nating kalooban ng Diyos para sa atin na magpasalamat para sa lahat ng bagay ngayon. At tiyak na hindi natin alam kung anong magiging kalagayan ng ating pananalapi 15 taon mula ngayon, ngunit alam nating kalooban ng Diyos na tayo'y maging mapagbigay sa ating oras at kayamanan ngayon

Naghahanap ang Diyos ng mga taong tapat. Tapat sa kakaunting mayroon sila...sa simula. Maging mapagmahal tayo, mabait, mapagbigay, tapat at mapagpasalamat na mga nilalang dahil sa maliliit at tila mga pangkaraniwang bagay sa ating buhay natin nakikita nang kahit bahagya ang mas malalaking plano ng Diyos. Madalas na sa pagkukumpleto natin ng mga ordinaryong gawain ay doon tayo dinadala sa mga pambihirang kahihinatnan.

Pagnilayan

  • Iniisip mo ba ang kalooban ng Diyos sa mas malaking diwa nito at hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay?
  • Anong bahagi ng buhay mo na nakapaloob sa Nakahayag na kalooban ng Diyos ang kinakailangan mong sundin?
Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

How Do I Know God’s Will?

Ano ba ang kalooban ng Diyos? Lahat tayo ay pinag-isipan na ito sa isang punto ng ating buhay. Kung minsan, habang hinihintay nating malaman kung ano ito, napaparalisa tayo. Ang Biblia ang ating gabay upang magkaroon ng higit pang kaunawaan sa paksang ito. Pag-uusapan natin ang iba't-ibang aspeto ng kalooban ng Diyos sa limang araw na Gabay na ito.

More

Ang orihinal na Gabay sa Biblia na ito ay ginawa at nagmula sa YouVersion.