Ang Aking Anak ay Naiiba: Pagsuporta Para sa Hirap at GinhawaHalimbawa
Paggamit ng Iyong Mga Salita
Minsan, gusto mo na lang na humiyaw, sumigaw, at umiyak (marahil gusto mong gawin ang mga ito nang sabay-sabay). At sa ibang mga pagkakataon, hindi ka makapaniwala kung gaano ka pinagpala at hindi mo lubos mapasalamatan ang Diyos sa mga ipinagkaloob Niya sa iyo at kung saan ka Niya dinala at ang iyong pamilya.
Sa parehong eksena, maaaring mahirap hanapin ang tamang mga salita para sa sitwasyon. Paano ako nararapat na humingi ng tulong para sa mga pangangailangan ng aming pamilya? Paano ko matutulungan ang aking anak na mapabilang o tanggapin? Paano ko mapapanatili ang aking pasensiya at maipapakita ang mabuting kalooban sa taong ito para sa kanilang "payo" na hindi ko naman hiningi? O, minsan, talagang maayos ang mga bagay-bagay, at naisip mo, Paano ko ibabahagi ang aking natutunan sa iba na maaaring matulungan ng aking kuwento? Paano ko pasasalamatan ang Diyos at ang aking komunidad sa kanilang pagpapakita para sa akin at sa aking pamilya?
Narito ang tatlong paraan kung paano ka makapangungusap sa alinmang sitwasyon.
1. Humingi ng tulong at payo. Ang mga nararamdaman, iniisip, mga hirap at ginhawa ay kinakailangang ibahagi sa mga maaasahang kaibigan, pamilya, mga tagapagturo, mga tagapayo, mga espesyalista, mga doktor, o iba pang mga marurunong na tao. Hindi palaging madaling makipag-ugnayan, subalit minsan kailangan nating lahat ng payo. Kailangan nating lahat ng masasandalan, at kailangan nating lahat ng tulong. Kinakailangan lamang na hanapin mo ang nararapat na tao. Makilahok sa grupo sa Facebook. Pasimulan ang isang grupo sa iyong simbahan na nagpupulong o i-text lang ang bawat isa. Makipagkaibigan. Ang buhay ay mas mainam kung may kasama sapagkat tayo ay hindi nilikha upang kayanin ito nang mag-isa.
2. Maging tagapagtaguyod para sa iyong anak at pamilya. Anupat, tumawag ulit ang eskuwelahan at parang hindi ito sumusunod sa personal na plano para sa iyong anak. Tinawagan mo ang teatro at nagtanong ka ng pagpipiliang daraanan para sa iyong anak na bingi at sinabi nila sa iyo ang tungkol sa mga rampa para sa silyang de-gulong. Pwedeng paki-ulit? Ang bantay ng inyong anak ay hindi dumating ngayong linggo at ang simbahan ay walang alternatibong plano.
Madali at mas makatwiran pa na mawala—ang iyong pagtitimpi, pasensiya o pag-iisip. Subalit ito ay pagkakataon para sa iyo na mahinahon at may kagandahang-loob na maging tagapagtaguyod para sa iyong anak at iyong pamilya. Huminga. Sumandaling pakalmahin ang iyong sarili. Tumugon. Magtaguyod. Magsimula o magtaguyod muli kung kinakailangan.
3. Pag-usapan ang buhay. Ang iyong kuwento, ang kuwento ng iyong anak, ang kuwento ng iyong pamilya–lahat ay magaganda at mahalaga. Ang bawat isa sa kanila ay may kasamang mga emosyon, mga pagsubok, at mga tagumpay, at maaring ang bawat isa ay hamunin ka at hilahin ka bawat araw at bawat sandali.
Subalit huwag kalimutang hanapin ang kagandahan at itala ang mga naisakatuparan at mahahalagang pangyayari na nagawa ninyo nang sama-sama.
Alam mo ang talaan na ginagawa mo sa Gabay sa Biblia na ito? Ipagpatuloy mo ito. Itala ang lahat ng mga paraan na lumago ka bilang magulang. Itala ang mahahalagang pangyayari na naabot ninyong lahat. Itala ang iba't-ibang mga paraan na ipinakita ng mga tao ang kanilang kabutihan maging malaki at maliit man. Itala ang iyong mga nararamdaman. Itala ang maganda. Balang araw, ikaw ay magpapasalamat at ginawa mo ito. Matutulungan ka na alalahanin ang mga kaginhawahan sa panahon ng mga paghihirap. Ipaaalala sa iyo na ang tag-araw ay darating kahit na nagyeyelo ang paligid. At, magiging mas madali sa iyo na ibahagi ang mga paraan na naranasan mo ang katapatan at kabutihan ng Diyos para sa mga nangangailangan ng tibay ng loob.
Salamat sa pagpapahintulot sa aming mga nagsulat ng Gabay sa Biblia na ito sa iyong buhay. Hindi pa namin alam kung saan ka namin nadatnan sa iyong partikular na lakbayin bilang magulang ng anak na naiiba o may kapansanan, subalit karangalan namin na hinayaaan mo kami na pumasok sa iyong buhay, tahanan, at puso. Ang pagkatawag sa iyo ay hindi isa sa mga pinakamadali, subalit tiyak na ito ang isa sa pinakamakabuluhan. Idinadalangin namin ang iyong kapayapaan, kapanatagan, at katatagan habang patuloy kang nagagalak at pinahahalagahan ang bawat sandali na mayroon ka sa hindi inaasahang lugar na hiniling ng Diyos na lakaran mo.
Journal: Tingnan ang iyong unang tala sa journal. Kinatagpo ka ba ng Diyos kung saan kinailangan mo Siya? O kinatagpo ka Niya sa lugar na hindi mo alam na lubusang kailangan ang Kanyang presensiya? Sa anumang kaparaanan, pasalamatan Siya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Gabay sa Biblia na ito ay para sa mga magulang ng mga bata na may kapansanan, naiiba, o may pantanging pangangailangan ng anumang uri—nasaang bahagi ka man ng iyong lakbayin. Magbasa mula sa ibang mga magulang at tagapagtaguyod kung paano humarap sa lahat ng mga nararamdaman, paglutas ng mga pagsubok, at masiyahan sa tagumpay pagdating sa pagpapalaki ng bata na naiiba.
More