Paghahanap ng Daan Pabalik sa PanginoonHalimbawa
May Mas Higit Pa
Nararamdaman mo bang tila may hinahabol ka sa buhay na hindi naman nakapagbibigay ng lubos na kasiyahan sa iyo? Bigyang-pansin ang nararamdaman mong ito. Ito'y mula sa Panginoon.
Ang pinag-uusapan natin ay hindi lamang tungkol sa paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, kahit na nga ang pag-inom at pagkagumon sa iba pang mga bagay ay tunay na paghabol sa mga bagay na walang katuturan. Ngunit may mga kakilala tayong mga “mabubuting tao sa simbahan” na makikita mo linggo-linggong nasa simbahan—o kaya naman ay nangangaral mula sa pulpito—na nakakaramdaman na malayo sila sa Diyos. Sila ay “matagumpay” o “buo” o “matuwid” kung titingnan sa panlabas na anyo, subalit hindi nila makita ang Diyos sa buhay nila. Sila ay abala sa mga gawaing panrelihiyon, trabaho, gawain sa paaralan, o sa pamilya, ngunit ang lahat ng iyon ay hindi sapat. Sila ay nananabik na maranasan at maramdamang totoo ang Diyos sa kanila.
Ang pagnanais na ito ang unang espirituwal na pagpukaw sa atin upang matagpuan natin ang daan pabalik sa Panginoon: “May mas higit pa rito.”
Kapag naghahangad ka ng pagmamahal na malalim at nagbibigay-kaluguran sa iyo, kapag ang nais mo ay ibigay ang sarili mo sa isang bagay na tunay na makabuluhan, o kung hinahanap mo ang kasagutan sa mga pinakamahihirap na katanungan ng buhay, tunay ngang hinahanap mo ang Diyos. Mayroon kang dalawang pagpipilian: maaaring patuloy na hanapin mo ang makapagbibigay kalubusan sa iyong mga ninanasa, o maaaring tumingin sa Kanya na nagbigay ng pagnanasang iyon sa iyo.
Ang ating pagnanasa sa tunay na pagmamahal ay nag-ugat pa noong panahong kung paano ang sangkatauhan ay nilikha. Nilayon ng Panginoon na maranasan natin ang Kanyang pagmamahal at mula sa ibang tao na ating positibong nakakasalamuha. Ang ating ninanasa, ay hindi lamang hawak ng Panginoon kundi ito ay ang Panginoon mismo. Ang Panginoon ay pag-ibig at hinahabol Niya tayo ng Kanyang pag-ibig.
Narinig na natin ang sinasabi nilang ang bawat lalaki raw na kumakatok sa pintuan ng isang bahay-aliwan ay nagpapahiwatig na ang talagang hinahanap niya ay ang Diyos. Kung ikaw ay kumakatok sa pintuan ng isang gawaing makakasira sa iyong sarili o sa iyong relasyon sa mga tao, maaaring dumating ka na sa isang mahalagang bahagi ng iyong paglalakbay pabalik sa Panginoon. Bakit? Sapagkat ang kabiguang hindi maaaring hindi mo mararanasan dahil sa mga walang halagang pamalit ay magbibigay sa iyo ng pag-iisip kung saan mo tunay na matatagpuan ang pagmamahal. Ibubukas mo ba ang iyong sarili upang hayaan ang Diyos na mapunan ang pagnanais mong magmahal at mahalin?
Anong ipinahihiwatig ng mga gawain mo ngayong linggong ito patungkol sa iniisip mong makapagpapasaya sa iyo?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May hinahanap ka bang higit pa sa iyong buhay? Ang paghahangad ng higit pa ay nangangahulugan lamang ng pagnanais mong bumalik sa Diyos—saan man naroon ang iyong ugnayan sa Panginoon ngayon. Lahat tayo ay nakakaranas ng mga tatak ng ating pinagdaanan—o ng ating pagkagising—sa ating paghanap sa daan pabalik sa Diyos. Maglakbay sa bawat karanasang ito at hayaang maging mas maikli ang distansya sa pagitan ng kinaroroonan mo ngayon at sa kung saan mo gustong pumaroon. Kung nais nating matagpuan ang Panginoon, mas ninanais Niyang matagpuan Siya.
More