Mga Barandilya: Ang Pag-iwas sa Pagsisisihan sa Iyong BuhayHalimbawa
Kapag pinag-uusapan ang mga pinansiyal na barandilya, malamang ang unang naiisip natin ay ang hindi magkautang. Mainam naman ang walang pagkakautang, ngunit ayon kay Jesus, maaaring wala kang utang at marami kang kayamanan sa bangko ngunit lagpak pa rin sa pinansiyal na aspeto. Nakakaintriga, hindi ba? Ituloy mo ang pagbabasa.
Sa sipi para sa araw na ito mula sa Mateo, sinasabi ni Jesus na lahat tayo ay naglilingkod (o inaari) ng isang tao o bagay. Pagkatapos ay binibigyan niya tayo ng dalawang pagpipilian: ang Diyos o kayamanan. Ang marami sa atin ay mag-aakalang sasabihin niyang ang Diyos o si Satanas ang paglilingkuran natin. Ngunit sinasabi ni Jesus na ang pinakamatindi Niyang kakompetensiya ay ang ating kayamanan.
Sa madaling sabi, diretsahan Niya tayong tinatanong: Pag-aari ba natin ang ating kayamanan o pag-a-ari ba tayo nito?
Kung walang mga pinansiyal na barandilya, mahuhulog tayo sa isa sa dalawang hukay. Maaaring malalaglag tayo sa bangin ng labis na paggasta o sumalpok sa labis-labis namang pag-iipon. Ang isa ay walang-pigil na pagnanasa: bili, bili ng mas makabago, bili ulit. Ang pangalawa ay walang-pigil na pag-aalala: Paano na lang kung kapusin ako? Paano na lang kung mangyari ang ganoon sa akin?
Sa parehong sitwasyon, salapi ang ating panginoon. Hinahabol natin ito upang magastos natin ngayon. O hinahabol natin ito upang ipunin at gastusin sa hinaharap.
Kailangan natin ng pinansiyal na barandilya na nagtatalaga sa Diyos bilang ating panginoon. At iyan mismo ang makikita natin sa Mateo 6:33, sa dulo ng isang mahabang pagtalakay patungkol sa kung paano natin dapat ituring at gamitin ang ating kayamanan. Ilang salita lang: "higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos."
Ang kaharian ng Diyos ay isang kahariang inuuna ang iba. O, kung gagamitin ang mga kaparehong salita kahapon: sa Kaharian ng Diyos, ang pinakamabuti para sa ibang tao ang pinakamabuti. Ang barandilyang mag-iiwas sa atin sa mga hukay ng labis na paggastos at pag-iipon ay ang pag-una sa iba sa ating pinansiyal na pamamahala.
Una ay magbigay sa iba. Pangalawa ay mag-ipon para sa hinaharap. Matapos, mabuhay sa nalalabi.
Una ay magbigay. Pangalawa ay mag-ipon. Mabuhay sa nalalabi.
At heto ang magandang balita tungkol sa barandilyang ito: maaari itong maging kagawian. Sa oras na may makita kang organisasyon o prinsipyong malapit sa puso mo at nakapagtalaga ka ng isang sistema ng pagbibigay, ang barandilyang ito ang magpapanatili sa iyong pananalapi nang maayos nang wala nang maraming gagawin o iisipin pa.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang mga barandilya ay inilalagay upang hindi malihis ang ating mga sasakyan sa mga peligroso o hindi maaaring puntahang mga lugar. Madalas ay hindi natin nakikita ang mga ito hangga't sa kailangan na natin silang makita—at talaga namang nagpapasalamat tayong naroon ang mga ito. Ano kaya kung mayroon din tayong mga barandilya sa ating mga relasyon, sa ating pananalapi, at sa ating mga karera? Ano kaya ang anyo ng mga iyon? Paano kaya tayo maiiiwas ng mga ito sa mga pagsisisi sa hinaharap? Sa susunod na limang araw, sasaliksikin natin kung paano magtatag ng mga personal na barandilya.
More