Mga Barandilya: Ang Pag-iwas sa Pagsisisihan sa Iyong BuhayHalimbawa
Walang taong nagbabalak na wasakin ang buhay niya tulad nang walang nagbabalak na wasakin ang sasakyan niya. Sa kalsada, mayroon tayong mga barandilya na nag-iiwas sa ating malihis sa mga peligroso o hindi dapat puntahan na mga lugar. Ano kaya kung may mga barandilya tayong gagawa ng kaparehas sa buhay natin?
Ilan sa pinakamalalaking pagsisisi natin ay naiwasan sana o nabawasan nang husto ang pinsalang dulot kung mayroon tayong mga personal na barandilya sa ating pananalapi, mga relasyon, moralidad at mga emosyon.
Ang mga personal na barandilya ay mga pamantayan ng pag-uugali na nagiging batayan ng konsensya. Ang mga ito ay mga alituntunin na itinalaga mo para sa iyong sarili na mistulang mga alarma kapag may tila hindi tama. At tulad ng mga barandilya sa malalaking kalsada, nakalagay ang mga ito kung saan maiiiwas ka pa sa pinsala. Malayo pa sa kung saan mawawasak mo ang iyong karera, isang personal na barandilya ang maaaring makapagsabi sa iyo na papalapit ka na sa kaguluhan. Malayo pa sa kung saan maaari kang makapagbitaw ng mga salitang hindi mo na mababawi, isang personal na barandilya ang dapat magbabala sa iyo na pakaisipin muna nang mabuti ang iyong sasabihin.
May kapaki-pakinabang na tagubilin si Apostol Pablo para sa pag-uumpisa ng pagtatalaga ng ating sariling mga barandilya: "Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay— mamuhay kayong tulad ng maalam at di tulad ng mga mangmang . . ."
Alam ni Apostol Pablo (at maaaring naranasan mo) na maaari kang mauwi sa kaguluhan kahit wala kang mga batas na nilalabag. Maaari mong wasakin ang iyong pananalapi nang hindi gumagastos sa masama. Maari mong wasakin ang isang relasyon na wala kang ginagawang makasalanan.
May mga barandilya hindi lamang upang mapanatili ka sa ligtas na panig ng tama laban sa mali. Ang mga barandilya ay nariyan upang mapanatili ka sa panig ng karunungan.
Kaya't narito ang tanong na ilalapat natin sa ating pananalapi, mga relasyon, moralidad, at mga emosyon sa mga susunod na ilang araw: Batay sa aking mga karanasan, kasalukuyang sitwasyon, at mga minimithi at hinahangad para sa hinaharap, ano ang matalinong bagay na nararapat gawin?
Sa iyong buhay may-asawa. . . sa iyong karera . . . pagdating sa kung saan ka dapat manirahan o kung saan mo dapat igugugol ang iyong oras . . . ano ang matalinong bagay na nararapat gawin?
Paano kaya mababago ng tanong na iyan ang iyo sanang naging pagpipili o sitwasyon na pinakapinagsisisihan sa nakaraan? Saan ka nito matutulungan ngayon? Kung labis ka nang nalalapit sa bingit, maaaring napapanahon nang magtalaga ng barandilya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang mga barandilya ay inilalagay upang hindi malihis ang ating mga sasakyan sa mga peligroso o hindi maaaring puntahang mga lugar. Madalas ay hindi natin nakikita ang mga ito hangga't sa kailangan na natin silang makita—at talaga namang nagpapasalamat tayong naroon ang mga ito. Ano kaya kung mayroon din tayong mga barandilya sa ating mga relasyon, sa ating pananalapi, at sa ating mga karera? Ano kaya ang anyo ng mga iyon? Paano kaya tayo maiiiwas ng mga ito sa mga pagsisisi sa hinaharap? Sa susunod na limang araw, sasaliksikin natin kung paano magtatag ng mga personal na barandilya.
More