Mga Barandilya: Ang Pag-iwas sa Pagsisisihan sa Iyong BuhayHalimbawa
Ang pinakamalalaking pagsisisi natin ay kadalasang may kinalaman sa mga taong itinuring nating mga kaibigan. Maaaring may kinalaman sa isang kasamahan sa trabaho, isang kaklase o dating kasintahan. Maaaring may kinalaman sa isang grupo ng mga kaibigan, na sana hindi mo na lang nakilala. O kahit nag-iisa ka noon, malamang ang pinakamalaking pagsisisi mo ay nagmula sa isang relasyon.
Natutunan natin (madalas sa mahirap na paraan) mula sa mga sawing relasyon na ito na ang ating mga hinaharap ay naaapektuhan ng mga taong ating sinasamahan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ng mga barandilya sa mga relasyon.
Sabi ni Solomon, na isa sa pinakamarunong na taong nabuhay: "Ang nakikisama sa may unawa ay magiging matalino. . . ." Ibig sabihin nito, ang karunungan ay nakakahawa. Mamuhay kasama ng marurunong, sa paglipas ng panahon, magiging marunong ka rin. Kusang mangyayari yan.
At may pangalawang bahagi ito: ". . . ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo." Kapag nakikisama ka sa isang mangmang, madadamay ka sa mga kahihinatnan ng kanilang maling mga pagpili. Masasabugan ka rin. Masisira rin ang iyong reputasyon tulad nang sa kanya. Masisisante ka tulad niya. At hindi ka na rin maiimbita sa susunod.
Ang mga barandilya sa mga relasyon ay tutulong sa ating umiwas sa pinsalang dulot ng kamangmangan.
Kaya't habang pinag-iisipan mo ang iyong mga pakikipagkaibigan, narito ang tatlong barandilyang maaari mong isaalang-alang. Kapag naganap ang isa sa mga ito, dapat maalarma ang iyong konsensiya bago ka pa makaranas ng pinsala.
1. Mahuli mo ang iyong sariling nagkukunwaring maging ibang tao kaysa kung sino ka talaga.
2. Ang isang bagay na hindi kailanman dati naging tukso sa iyo ay pinag-iisipan mo na ngayon.
3. Iniisip mo na sana hindi alam ng mga taong mahahalaga sa iyo kung nasaan ka.
Tandaan mo, ang mga barandilya ay hindi para ideklara na ang isang bagay (o tao) ay tama o mali. Ang mga barandilya ay para akayin ka pabalik sa panig ng karunungan. Mayroon ka bang mga pakikipagkaibigan na nalalapit na sa peligro? Sa aling barandilya ka na bumabangga at ano ang gagawin mo tungkol dito?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang mga barandilya ay inilalagay upang hindi malihis ang ating mga sasakyan sa mga peligroso o hindi maaaring puntahang mga lugar. Madalas ay hindi natin nakikita ang mga ito hangga't sa kailangan na natin silang makita—at talaga namang nagpapasalamat tayong naroon ang mga ito. Ano kaya kung mayroon din tayong mga barandilya sa ating mga relasyon, sa ating pananalapi, at sa ating mga karera? Ano kaya ang anyo ng mga iyon? Paano kaya tayo maiiiwas ng mga ito sa mga pagsisisi sa hinaharap? Sa susunod na limang araw, sasaliksikin natin kung paano magtatag ng mga personal na barandilya.
More