Nabagong Pamumuhay: Mga Pakikipag-usap Sa DiyosHalimbawa
Tapat na Usapan
Ang ating mga panalangin ay hindi kailangang maging maganda. Maaari itong mga salita ng pagkabigo, galit, pag-aalala, takot, kalungkutan, at pagkabalisa. Anuman ang ating nararamdaman, kakayanin ito ng Diyos.
Minsan natatakot tayong sabihin sa Diyos kung ano ang nasa kaibuturan ng ating puso, ngunit hindi natin maitatago ang ating sarili mula sa Kanya. Alam na Niya ang ating mga puso, at mahal Niya tayo. hindi Siya magagalit, mabibigla, o madadaig sa ating panalangin. Siya ay hindi matitinag.
Nais niyang ibahagi natin ang higit pa sa maselang mga panalangin sa Kanya. Nais Niya tayong lahat—ang mabuti, ang masama, at ang pangit—dahil ang pagbuhos ng ating mga puso sa Diyos ang nagpapahintulot sa Kanya na alisin ang pasanin mula sa atin. Kung paanong inako ni Jesus ang ating kasalanan at kahihiyan sa krus, gusto Niyang pasanin ang bigat ng ating mga pasanin araw-araw upang hindi na natin ito kailanganing pasanin mag-isa.
Sa mga sandali na nakakaramdam tayo ng labis na sakit na hindi man lang natin mabuo ang mga salitang sasabihin, naiintindihan ito ng Diyos. Ganito ang sinabi ni Apostol Pablo—ang Espiritu ay namamagitan para sa atin sa paraang hindi natin kayang sambitin. Siya ay nagdadalamhati kasama natin, at Siya ay nakikipaglaban para sa atin. Ang ating Diyos ay mapagkakatiwalaan ng ating mga puso.
Ang aking lola ay sobrang mag-alala ngunit ang kanyang Biblia ay lumang-luma na nang siya ay namatay sa edad na 87. Ang paraan ng kanyang patuloy na pakikipag-usap sa Diyos ay nagbibigay-inspirasyon. Hindi niya itinuon ang kanyang sarili sa kamatayan, itinuon niya ang kanyang sarili sa panalangin. Alam niyang ang paglapit sa Diyos ang tanging bagay na dapat gawin sa kanyang pag-aalala.
Sa Halamanan ng Getsemani, maging si Jesus ay nabalisa at sinabi sa Kanyang malalapit na kaibigan na kailangan Niyang manalangin. Nang ang tanging perpektong tao na nabuhay kailanman ay nakaranas ng matinding kalungkutan, alam Niya kung ano ang gagawin dito. Dinala Niya ito sa Kanyang Ama sa Langit sa panalangin.
Gaya ng ipinakita sa atin ni Jesus, ayos lang na masaktan, malungkot, o matakot. Mag-ingat lamang na huwag ibuhos ang iyong puso sa lahat ng tao maliban sa Diyos. Ibigay ito sa may magagawa tungkol dito. Bilang kapalit, bibigyan ka Niya ng kapayapaan.
Pagsasagawa- Magkaroon ng isang matapat na pakikipag-usap sa Diyos. Kung hindi ka sigurado kung saan magsisimula, hilingin sa Kanya na ipakita sa iyo kung saan ka naglalagay ng harang at anyayahan Siya na sirain ito. Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nararamdaman mo. Ayos lang na sumigaw, at ayos lang na umiyak. Kapag naibuhos mo na ang lahat, hilingin sa Kanya na punan ang espasyo sa iyong puso ng Kanyang perpektong kapayapaan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Marami sa atin ang gustong magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Diyos, ngunit hindi natin alam kung saan magsisimula. Kapag ang ibang tao ay nagmumungkahi ng panalangin, ito ay parang masyadong pormal, nakakatakot, o hindi epektibo. Ang gabay na ito ay tutulong sa mga tagabasa na mas makilala ang Diyos at maranasan ang kapangyarihan ng panalangin habang ang bawat araw ay nagbibigay ng mga tunay na halimbawa kung paano magkaroon ng makabuluhang pakikipag-usap sa Diyos.
More