Humayo Gawin Sabihin Ibigay: Ang Kalayaan Ng Pagsuko Kay JesusHalimbawa
Ibibigay ko ang gusto Mong Ibigay ko
Mahal na mahal ng Diyos ang sanlibutan kaya ibinigay Niya ang nag-iisa Niyang anak para sa ating kaligtasan. Ang pagbibigay ay nasa kaibuturan ng puso ng Diyos para sa Kanyang bayan. Ang pag-ibig ng Diyos ay sobrang kaugnay ng pagbibigay na imposibleng isipin ito nang wala ang isa. Ang pagsunod kay Jesus ay magdadala sa atin sa mga lugar ng pagbibigay na hindi pa natin nararanasan dati.
Batid ni Jesus ang nakahahalinang paghatak ng pera at mayroon siyang radikal na mensahe para sa atin: “Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan"(Mateo 6:24). Ang paghahanap sa kayamanan ay isang napakalakas na puwersa sa ating kalooban at maaari itong makahadlang sa ating lubusan na pagsunod sa Diyos.
Paano ba natin mapagtatagumpayan ang ganyang napakalakas na paghatak? Ito ay sa pamamagitan ng pagpapakawala nito, at katulad ng iba pang mga aspeto ng panalangin na ito, sa huli ito ay isyu ng puso. Hindi kailanman tayo sinabihan na ang pagkakaroon ng pera ay mali o masama. Bagkus, iyong pagmamahal sa pera ang problema. Ngunit ang lahat ng mayroon tayo ay sa Kanya.Tayo ay binigyan ng maiksing panahon upang pamahalaan ang mga mahahalagang bagay sa Kanyang kaharian, at mamuhunan sa mga bagay na iyon na nagbibigay karangalan sa Kanyang pangalan. Kaya wala talaga akong pagmamay-ari sa mga bagay na mayroon ako para gawin ang anumang nais ko.
Isa sa mga aral para sa Israel habang sila ay naglalakbay sa disyerto ng apatnapung taon ay ang Diyos ay totoo sa Kanyang pangako na magbibigay ng pang-araw-araw na tinapay mula sa langit. Si Jesus ay humiling sa atin na manalangin para sa ating pang-araw-araw na tinapay. Ang Diyos ay nagmamasid at nag-aalaga ng Kanyang bayan. Gusto Niya na tayo ay makaranas ng Kanyang mapagmahal na probisyon sa bawat araw ng ating mga buhay. Ang karanasang ito ay makakatulong para tayo ay magbigay nang may kasiyahan sa Kanya at sa iba anuman ang nais Niyang ibigay natin—hindi lang ang ating pera, bagkus ang ating buhay.
Nasasaad sa Mga Taga-Roma 12:1 na kailangang "ialay NATIN ang ating mga sarili bilang isang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba sa Diyos." Ang imaheng ito ay pamamaraan ng pag-aalay ng Lumang Tipan. Kailangang ibigay natin ang buong buhay natin sa dambana ng Diyos, kabilang ang perang ating nagagawa.
Ang masaganang pagbibigay ay nagmumula sa mapagbigay na mga puso ng pasasalamat sa Diyos. Maglaan ka ng panahon upang isaalang-alang ang isang bagay o tao na inilagay ng Diyos sa puso mo para bigyan ng tulong na pinansyal o ng iyong oras.
Maibibigay mo ba ang gusto ng Diyos na ibigay mo ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagsuko kay Jesus ay may epekto sa kabuuan ng ating buhay. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng desisyong ito at paano natin ito isasabuhay bawat araw? Para lang ba ito sa malalaking desisyon sa buhay, o sa labis na espirituwal na tao? Takot, mga naunang kabiguan, at hindi pagkakaunawaan ay maaaring humadlang sa atin. "Humayo Gawin Sabihin Ibigay" ay isang pangako/panalangin na naglalahad sa kung paano gagawin ang mga susunod na hakbang sa iyong espirituwal na paglalakbay. Danasin ang kalayaan na nagmumula sa pagsunod kay Jesus.
More