Humayo Gawin Sabihin Ibigay: Ang Kalayaan Ng Pagsuko Kay JesusHalimbawa
Panginoong Jesus, sumusuko ako sa Iyo.
Mahirap lunukin ang salitang pagsuko. Ang pagsuko ay katumbas ng pagkatalo, at walang sinuman ang gustong maramdaman na siya'y isang talunan. Kaya't hindi kataka-takang marami ang nahihirapang sumuko sa Diyos. Ang likas ng tao'y nagsasabing ang pagsuko sa Diyos ay maaaring sa kalaunan hindi magiging pabor sa atin. Baka galit Siya sa atin, o 'di kaya'y mawawalan na lamang tayo ng kontrol sa ating mga ginugusto. Ngunit nakasaad sa Banal na Kasulatan na ang pagsuko sa Panginoon ang pinakamainam para sa atin.
Binigay ng Diyos kay Jesus ang ganap at pangkalahatang kapangyarihan sa buong sangnilikha. Ang pagluhod, isang tanda ng pagpapasailalim at katapatan, ay ang marapat na tugon sa May Kapangyarihan sa buong sansinukob.Nakikita natin ito sa relasyon ng mga hari o reyna at ng kanilang mga nasasakupan. Ngunit kay Jesus, alam nating may ganap na pag-ibig at pagkalinga ang pagturing Niya sa atin, at na ang Kanyang mga plano at layunin sa ating mga buhay ay palaging mabuti, kahit na may mga pagkakataong ang mga ito ay mahirap o masakit.
Nilikha tayo ng Diyos, at pinalaya din mula sa kaparusahan ng at pagkaalipin sa kasalanan. Pinangakuan Niya tayo ng isang buhay na malaya at mabunga. Wala tayong dahilan na magtago sa takot sa pag-iisip ng kung ano ang dala ng pagpapasailalim sa Kanya. Wala Siyang hangaring gawing miserable ang buhay natin, bagkus pagnanais na maranasan natin ang kahariang puspos ng pag-ibig.
Ang pagsunod kay Jesus nang buong puso ay nangangailangan ng pagpapasailalim sa Kanya. Hindi natin maaaring sundin ang sarili nating mga plano at sabayang sundin din Siya. Ang pagtangkang gawin ang kapwa ay mauuwi lang sa higit na tensiyon at hirap. Hindi natin alam kung saan Niya tayo inaakay, ngunit alam natin na Siya ay mabuti at mapagkakatiwalaan. At nilikha Niya tayo para sa paggawa ng mabubuti, na ihinanda na Niya noong una pa man
Ngayon na ang tamang panahon na iabot sa Kanya ang renda upang gabayan ang buhay mo sa pinakamainam na dako, na higit pa sa maiisip mo para sa iyong sarili.
Ang mga susunod na 6 na araw ay magbubukas ng bawat isang bahagi ng isang pang-araw-araw na panalangin ng pagsuko kay Jesus na kapansin-pansing magbabago ng pakikipaglakbay mo sa Kanya.
Panginoong Jesus, sumusuko ako sa Iyo.
Sa kapangyarihan ng Iyong Espiritu, ako ay…
Pupunta kung saan mo ako nais papuntahin,
Gagawa ng nais Mong gawin ko,
Magsasabi ng nais Mong sabihin ko, at
Magbibigay ng nais Mong ibigay ko.
Para sa Iyong karangalan at kadakilaan. Amen.
Handa ka bang lumuhod upang sumuko kay Jesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon? Kung may pumipigil sa iyo, sabihin mo lang sa Kanya sa panalangin, o isulat sa isang liham na magpapaliwanag kung ano ito.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagsuko kay Jesus ay may epekto sa kabuuan ng ating buhay. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng desisyong ito at paano natin ito isasabuhay bawat araw? Para lang ba ito sa malalaking desisyon sa buhay, o sa labis na espirituwal na tao? Takot, mga naunang kabiguan, at hindi pagkakaunawaan ay maaaring humadlang sa atin. "Humayo Gawin Sabihin Ibigay" ay isang pangako/panalangin na naglalahad sa kung paano gagawin ang mga susunod na hakbang sa iyong espirituwal na paglalakbay. Danasin ang kalayaan na nagmumula sa pagsunod kay Jesus.
More