Bigyan ng Kahulugan ang Iyong TrabahoHalimbawa
Pagtitiwala sa Diyos sa Trabaho sa Lahat ng Panahon
Kung para kanino tayo nagtatrabaho ay mahalagang malaman at maaari itong makaapekto sa kahulugang ibinibigay natin sa ating trabaho. Kung iginagalang natin ang mga taong nakakatrabaho natin at may positibong damdamin tayo sa ating organisasyon, mas malamang na gugustuhin nating gawin ang pinakamabuti. Ngunit kapag tayo ay inaabuso, o may mga problema tayo sa mga taong katrabaho natin, madaling panghinaan ng loob, makaramdam ng pagkabigo at maging ng galit. Ang ating paghusga sa ibang tao ay maaaring magkaroon ng hindi magandang epekto sa ating motibong gawin ang pinakamabuti sa ating trabaho.
Si Jose ay may katwirang magalit at makadama ng kapaitan. Ikinulong siya para sa isang bagay na hindi niya ginawa. Sa kabila nito, patuloy na nagtiwala si Jose sa Diyos at pinaglingkuran niya ang guwardiya ng bilangguan nang may kahusayan. Dahil dito, ginawa siyang tagapamahala sa lahat ng mga bilanggo. Noong ang panadero at ang tagapangasiwa ng mga inumin, na nasa bilangguan din, ay tila nababalisa, nagpakita ng pagmamalasakit si Jose. Nakinig siya sa kanila habang inilalarawan nila ang nakababagabag na panaginip nila at nagbigay ng interpretasyon na ipinakita sa kanya ng Diyos. Ang kanyang kabaitan ang siyang naging daan upang irekomenda ng tagapangasiwa ng mga inumin si Jose sa Faraon pagkatapos magkaroon ng nakababagabag na panaginip ang Faraon na walang makapagsabi ng kahulugan nito. Kahit doon, hindi pinilit ni Joseng magmukhang magaling siya. Sinabi niya sa Faraon na walang makapagbibigay ng kahulugan ng panaginip niya kundi ang Diyos. Pagkatapos ay ibinigay niya ang interpretasyon na ibinigay ng Diyos sa kanya.
Dahil tapat si Jose habang nasa bilangguan siya, inilagay siya ng Diyos sa buong Egipto (Lucas 16:10). Kasama ni Jose ang Diyos sa lahat ng ito, inihahanda siya, binibigyan siya ng karunungan at isinasaayos ang mga pangyayari upang matupad ang Kanyang mga layunin.
Kung ang ating motibo upang gawin ang pinakamabuti ay naiimpluwensyahan ng pag-uugali ng ibang tao, ang ating pangakong ibigay ang ating pinakamabuti ay maaaring magpabago-bago. Ngunit paano kung lagi kang magtitiwala sa Diyos sa iyong trabaho? Ang paggawa natin ng ating trabaho para sa Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan upang sa tuwina ay makapagbigay ng magagandang resulta. Paano mong madaragdagan ang iyong pagtitiwala sa Diyos sa iyong trabaho ngayon?
Panalangin
Ama, patawarin mo ako sa mga panahong hinayaan kong ang paghusga ko sa ibang tao ay magbigay ng negatibong epekto sa aking saloobin sa trabaho ko. Palakasin mo ang pananampalataya kong gagamitin Mo ang lahat ng ginagawa kong trabaho upang parangalan Ka para sa kabutihan. Gumawa Ka sa puso ko upang mapanatili ko ang positibong saloobin. Sa pangalan ni Jesus. Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Marami sa atin ang gugugulin ang halos 50 porsiyento ng ating buhay na nasa hustong gulang na nagtatrabaho. Nais nating malaman na ang ating trabaho ay may kahulugan – na may halaga ang ating trabaho. Ngunit ang kagipitan, mga pangangailangan at kahirapan ay siyang maaaring maging dahilan upang makita nating mahirap ang ating trabaho – isang bagay na kailangang malusutan. Tutulungan kayo ng babasahing gabay na ito upang makilala ang kapangyarihang maaari mong piliin ang isang positibong kahulugan para sa iyong trabahong nakaugat sa pananampalataya.
More