Bigyan ng Kahulugan ang Iyong TrabahoHalimbawa
Pagpili sa Kahulugan ng Diyos Para sa Aking Trabaho
Kadalasan, ang mga Cristiano ay may maling kaisipan na ang tanging trabahong mahalaga sa Diyos ay ang trabaho ng mga pastor, mga misyonero at ang mga trabahong hindi pinagkakakitaan. Ang panganib dito ay hinuhusgahan natin ang ibang trabaho bilang hindi gaanong mahalaga, na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating saloobin at motibo. Ang totoo ay, lahat ng trabaho ay mahalaga sa Diyos. Nais ng Diyos na samahan tayo sa anumang trabaho na ginagawa natin upang paglingkuran ang ibang tao at isakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Naunawaan ito ni Jose, maging sa kanyang pinakamalaking pagsubok. Hindi nagkaroon ng masamang saloobin si Jose, kahit na noong ang mga pangyayari ay lalo pang lumala. Hindi lamang niya basta pinalipas ito dahil ang trabahong kailangan niyang gawin ay malinaw na hindi ang kanyang tunay na pagkatawag. Batid ni Jose kung para kanino talaga siya nagtatrabaho – para sa Diyos. Bunga nito, sinasabi sa Genesis 39 na "pinatnubayan ni Yahweh si Jose" ng apat na beses (Gen 39:2, 3, 21, 23). Nang si Jose ay laging nilalapitan ng asawa ni Potifar, sinabi niyang "Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. […] Hindi ko po magagawa … at pagkakasala sa Diyos". Kinilala ni Jose na ang kanyang tagumpay ay nagmula sa Diyos at kailangan niyang parangalan ang Diyos nang walang pasubali.
Bagama't pinili ni Jose na gumawa nang tama, siya ay naparatangan ng hindi tama, napatalsik sa trabaho, at ikinulong. Maging sa gitna ng hindi patas na sitwasyon, hindi huminto si Jose sa pagpaparangal sa Diyos at paglilingkod sa mga taong nasa paligid niya. Muli, binigyang-pabor pa rin siya ng Diyos sa nagbabantay sa bilangguan.
Makakaranas tayo ng mga di-patas na sitwasyon sa trabaho, katulad ng nangyari kay Jose. Kailangan tayong mag-ingat na hindi magkaroon ng negatibong saloobin sa ating trabaho kapag may mga nangyayaring hindi tama rito. Sinabi sa atin ni Jesus, "Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33). Kailangan nating patuloy na manatili kay Cristo sa lahat ng sitwasyon, at ang trabahong gagawin natin ay masaganang mamumunga (Juan 15:5).
Ano ang maaari mong gawin upang makita mo ang iyong trabaho sa pamamagitan ng paningin ng Diyos?
Panalangin
Diyos Ama, salamat sa trabahong ibinigay Mo sa akin. Salamat sa pagkakaloob mo sa akin ng katagumpayan. Tulungan Mo akong manatili sa iyo sa lahat ng panahon upang mapaglingkuran ko ang ibang tao nang may kahusayan sa lahat ng sitwasyon, kahit na kapag hindi naaayon sa akin ang mga nangyayari. Tulungan Mo akong manatiling nakatuon kay Jesus. Sa pangalan ni Jesus. Amen.
Para sa Karagdagang Pagsasaliksik
Tuklasin kung paanong hahanapin ang layunin ng Diyos para sa trabaho. Tingnan ito sa video kasama si Bonnie Wurzbacher , Dating SVP, Coca-Cola Company.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Marami sa atin ang gugugulin ang halos 50 porsiyento ng ating buhay na nasa hustong gulang na nagtatrabaho. Nais nating malaman na ang ating trabaho ay may kahulugan – na may halaga ang ating trabaho. Ngunit ang kagipitan, mga pangangailangan at kahirapan ay siyang maaaring maging dahilan upang makita nating mahirap ang ating trabaho – isang bagay na kailangang malusutan. Tutulungan kayo ng babasahing gabay na ito upang makilala ang kapangyarihang maaari mong piliin ang isang positibong kahulugan para sa iyong trabahong nakaugat sa pananampalataya.
More