Lumaya Mula Sa Paghahambing Isang 7 Araw na Gabay Ni Anna LightHalimbawa
Ano ang paghahambing?
Ang paghahambing ay isang uri o pagpapakita ng kawalan ng kapanatagan. Galing ito sa kawalan. Kawalan ng pagkakakilanlan. Kawalan ng layunin. Kawalan ng tiwala sa kung sino tayo at ang buhay na ibinigay sa atin.
Ang kawalan ng kapanatagan ay galing sa paniniwala sa mga kasinungalingan at hindi pagkaalam o hindi paniniwala sa ating tunay na pagkakakilanlan. Kaya kung inihahambing natin ang ating sarili sa iba, sinasabi na rin natin, “Hindi ko kilala o hindi ako naniniwala sa kung sino ako, at hindi ko kilala o hindi ako naniniwala kung ano ang Diyos.”
Naghahambing tayo dahil hinahanap natin ang pakiramdam ng kapanatagan sa labas ng ating mga sarili. Alam man natin o hindi patuloy ang paghahanap natin kung saan ang lugar natin sa herarkiya ng buhay. Gusto nating malaman ang lugar natin sa buhay, saan tayo bumagsak at nasaan tayo kumpara sa iba dahil nawawala ang ating kapanatagan na dapat ay nanggagaling sa ating kalooban.
Totoo, ang ilan sa atin ay naghahambing mula sa kawalan ng tiwala sa sarili. Ang mga taong pinahihirapan ng paghahambing ay maaaring hindi nila nalalaman kung gaano sila pinagpala, at gaano karaming regalo at talento mayroon sila dahil masyadong nakatuon ang kanilang isip sa iba. Ang marami pa ay naghahambing dahil sa kanilang pagiging mapagkumpetensya at perpeksyonista. Ang mga may personalidad na Type-A ay ganito ang kalikasan. Madalas na ikaw ang pinakamahusay sa mga bagay, ang lider na nilalapitan, ang pinunong lalaki o babae ng iyong grupo o komunidad kaya ang pagkahilig mong maghambing ay galing sa pagnanasang parating maging nasa pinakamataas. Ang pagiging pinakamahusay ay nagbibigay sa iyo ng pakiramdam ng kapanatagan, pero hindi ang kapanatagan na tumatagal. Ano man ang dahilan ng iyong paghahambing dapat nating tanggapin na ang paghahambing ay hindi kailanman magdadala sa iyo sa totoong pagpapakumbaba, na siyang nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos.
Ang paghahambing ay isa ring magnanakaw. Narinig mo na sinabi ito: “Pinapatay ng paghahambing ang pagka-kuntento.” “Ang paghahambing ay siyang magnanakaw ng kagalakan.” “Pinapatay ng paghahambing ang iyong impluwensya.”
Ninanakaw, pinapatay at sinisira ng paghahambing ang ating mga isip at puso. Dahil dito, nakikita natin ang paghahambing bilang kasangkapan ng kaaway. Galit sa iyo ang iyong kaaway at hindi titigil para tanggalin ang buhay ng Diyos sa iyo, ang puno at masaganang buhay na ipinapangako Niya. Kapag binigyang-daan natin ang paghahambing, binibigyan natin ang kaaway ng lugar sa ating buhay at hindi natin mararanasan ang lahat ng inilalaan ng Diyos para sa atin.
Maaaring hindi natin intensyon na ikumpara ang ating mga sarili sa iba subalit ang tukso at panganib ng paghahambing ay parating nasa atin dahil ang paghahambing ay kasalanan. Pero tulad ng anumang kasalanan, dapat na italaga natin ang ating mga sarili sa buhay na malayo sa kasalanan at malayo sa paghahambing.
Naghahambing ka ba dahil sa kawalan ng tiwala, o sa maling paniniwala sa kapanatagang hatid ng pagiging pinakamahusay?
Panginoon, inaamin ko po ang aking pagkahilig na ihambing ang sarili ko sa iba. Minsan, ginagawa ko ito nang hindi ko nalalaman. Gusto ko pong higit Kang makilala at gusto ko ring makilala ko ang sarili ko dahil sa Iyo. Ninanais ko po ang tiwala sa aking kaloob-looban na nanggagaling sa relasyon ko sa Iyo. Saliksikin Mo ang aking puso at ipakita Mo sa akin ang ugat ng aking paghihirap dahil sa paghahambing at palayain Mo po ako mula rito sa pangalan ni Jesus!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Alam mo na binibigyan ka ng Diyos ng buhay na mas masagana kaysa sa buhay mo ngayon, pero ang nakakalungkot na katotohan ay ang paghahambing ay pumipigil sa'yo para magpatuloy sa susunod na antas. Sa gabay sa pagbabasa na ito isisiwalat ni Anna Light ang mga pananaw na babasag sa takip na inilalagay ng paghahambing sa iyong kakayahan, at tinutulungan kang isabuhay ang buhay na malaya at masagana na siyang dinisenyo ng Diyos para sa iyo.
More