Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 6:20-35

Mga Kawikaan 6:20-35 RTPV05

Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin, huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw. Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip. Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay, sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay. Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw, at daan ng buhay itong mga saway. Ilalayo ka nito sa babaing masama, sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya. Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay, ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay. Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay, ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay. Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy, kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon? Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga, hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa? Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa, tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama. Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala, kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya. Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli, ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili. Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang, sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan. Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili, ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi. Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok, ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot. Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad, kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Kawikaan 6:20-35

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya