Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 6:20-35

Kawikaan 6:20-35 ASND

Anak, sundin mo ang itinuturo at iniuutos ng iyong mga magulang. Itanim mo ito sa iyong isipan para hindi mo makalimutan. Ito ang magpapatnubay, mag-iingat at magpapaalala sa iyong pamumuhay, kahit ano pa ang iyong ginagawa. Sapagkat ang mga turo at utos ng iyong mga magulang ay katulad ng isang ilaw na tatanglaw sa iyo. At ang kanilang pagsaway sa iyo para ituwid ang ugali mo ay ikabubuti at ikahahaba ng buhay mo. Ilalayo ka rin nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita. Huwag kang magnanasa sa kanyang kagandahan. Huwag kang patutukso sa kanyang pang-aakit. Ang pakikipagsiping sa babaeng bayaran ay pwedeng bayaran sa halaga ng tinapay, ngunit ang pakikipagsiping sa asawa ng iba ay pagbabayaran mo ng iyong buhay. Kung maglalaro ka ng apoy sa iyong kandungan tiyak na masusunog ang damit mo. At kung tatapak ka sa baga, mapapaso ang mga paa mo. Kaya kapag sumiping ka sa asawa ng iba, magdurusa ka. Minsan nauunawaan ng mga tao ang taong nagnakaw dahil sa gutom. Ngunit pinagbabayad naman siya ng pitong beses ng kanyang ninakaw kapag nahuli, kahit maubos pa ang lahat ng pag-aari niya. Ang taong sumisiping sa asawa ng iba ay hangal. Sinisira lang niya ang kanyang sarili. Masasaktan siya at habang buhay na mapapahiya. Sapagkat ang asawang seloso ay sobra kung magalit at maghihiganti siya ng walang awa. Kahit magkano pa ang ibayad, hindi niya ito tatanggapin.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Kawikaan 6:20-35