Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 6:20-35

MGA KAWIKAAN 6:20-35 ABTAG01

Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang turo ng iyong ina. Sa iyong puso'y ikintal mong lagi, sa iyong leeg ay iyong itali. Kapag ikaw ay lumalakad, sa iyo'y papatnubay, kapag ikaw ay natutulog, sa iyo'y magbabantay, at kapag ikaw ay gumigising, ikaw ay kanilang kakausapin. Sapagkat ang utos ay tanglaw, at ang aral ay ilaw, at ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay; upang mula sa masamang babae ay maingatan ka, mula sa tabil ng dila ng mapangalunya. Huwag mong nasain sa iyong puso ang kanyang ganda, at huwag mong hayaang mahuli ka niya ng kanyang mga pilik-mata. Sapagkat ang masamang babae ay maaaring upahan ng isang pirasong tinapay, ngunit hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay. Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan, at hindi masusunog ang kanyang kasuotan? Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao, at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso? Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa; sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa. Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kapag siya'y nagnanakaw, upang kapag siya'y gutom siya'y masiyahan. Gayunma'y kung siya'y mahuli, makapito niyang pagbabayaran; ibibigay niya lahat ang laman ng kanyang bahay. Walang sariling bait siyang nangangalunya, ang gumagawa niyon ay sarili ang sinisira. Mga sugat at kasiraang-puri ang kanyang tatamuhin, at ang kanyang kahihiyan ay hindi na papawiin. Sapagkat ang panibugho ay nagpapabagsik sa lalaki, at hindi siya nagpapatawad sa araw ng paghihiganti. Hindi niya tatanggapin ang anumang bayad, ni sa maraming suhol siya'y mapaglulubag.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA KAWIKAAN 6:20-35