Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana.”
Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!’
“Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan, sapagkat ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda ng isa sa kanila. Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.”
“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira.