Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”
Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”
“Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang. Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto.