Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”
Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”
Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.
Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’
Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’
At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’
Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’
Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”
At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.
Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?
Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?
Pansinin ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.
Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.
Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.
Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.
“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.