Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 12:13-33

LUCAS 12:13-33 ABTAG

At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana. Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo? At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya. At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana: At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga? At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari. At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka. Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya? Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit. Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon! At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay? Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip. Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito. Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito. Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.