Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 6:1-15

Job 6:1-15 RTPV05

Ang sagot ni Job: “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat, magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat; kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat. Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan, lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan, galit ng Diyos, sa akin ay inihanay. Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana, at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya. Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot? Mayroon bang lasa ang puti ng itlog? Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana, sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka. “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling, sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin. Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas. Kapag nangyari ito, ako'y liligaya, sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya. Alam kong banal ang Diyos, kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos. Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal, kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay? Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko. Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko, wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo. “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan, tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan. Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan, para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.