Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 5:7-27

Job 5:7-27 RTPV05

Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao, kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan. “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos, at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog. Mga dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan, mga kababalaghan niya ay walang katapusan. Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan, mga bukiri'y kanyang pinatutubigan. Ang nagpapakumbabá ay kanyang itinataas, ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas. Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira, kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala. Ang mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag, kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas. Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian. Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila, iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha. Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama. “Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan, ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam. Ginagamot niya ang kanyang nasugatan, pinapagaling niya ang kanyang nasaktan. Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo. Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan, at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan. Ililigtas ka niya sa dilang mapanira, at di ka matatakot sa kapahamakan. Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan, at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan. Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin, maiilap na hayop, di ka lalapain. Magiging ligtas ang iyong tahanan, at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan. Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki; tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami. Tatamasahin mo ang mahabang buhay, katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan. Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan, pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”