Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 5:7-27

Job 5:7-27 ASD

Ngunit likas sa tao ang ipanganak sa kaguluhan, tulad ng tilamsik ng apoy na pumapailanlang. “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, upang hindi sila magtagumpay. Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mapanlinlang. Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sa kadiliman kahit na katanghalian. Inililigtas ng Diyos ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. Kaya may pag-asa ang mga dukha, ngunit ang masasama ay kanyang sinasaway. “Mapalad ang taong itinutuwid ng Diyos ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Diyos na Makapangyarihan sa iyo. Sapagkat ang sinusugatan niya ay kanya ring ginagamot. Ang kanyang sinasaktan ay kanyang pinapagaling. Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. Tatawanan mo ang taggutom at kapahamakan, at ang mababangis na hayop ay hindi mo katatakutan. Makikipagkasundo ka sa mga bato sa parang at sa gitna ng mga mababangis na hayop ay mamumuhay kang may kapayapaan. Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon. “Ayon sa aming nalaman at naranasan, ay aming napatunayan na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”