kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan,
kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang.
“Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin,
at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin,
na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan,
mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang,
nagbibigay siya ng ulan sa lupa,
at nagdadala ng tubig sa mga bukid;
kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba,
at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan.
Kanyang binibigo ang mga pakana ng tuso,
anupa't ang kanilang mga kamay ay hindi nagkakamit ng tagumpay.
Kanyang hinuhuli ang marunong sa kanilang sariling katusuhan;
at ang balak ng madaya ay dagling nawawakasan.
Nakakasalubong nila sa araw ang kadiliman,
at nangangapa na gaya nang sa gabi kahit katanghalian.
Ngunit siya'y nagliligtas mula sa tabak ng kanilang bibig,
at ang maralita mula sa kamay ng makapangyarihan.
Kaya't ang dukha ay may pag-asa,
at itinitikom ng kawalang-katarungan ang bibig niya.
“Narito, mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos,
kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat.
Sapagkat siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian;
siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay.
Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan;
sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo.
Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan;
at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan.
Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila;
at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating.
Sa pagkawasak at taggutom, ikaw ay tatawa,
at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop sa lupa.
Sapagkat ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang;
at ang mga ganid sa parang sa iyo ay makikipagpayapaan.
Malalaman mo na ang iyong tolda ay ligtas,
at dadalawin mo ang iyong kulungan, at walang nawawalang anuman.
Malalaman mo rin na ang iyong lahi ay magiging marami,
at ang iyong supling ay magiging gaya ng damo sa lupa.
Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan,
gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan.
Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo.
Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo.”