Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 28:12-28

JOB 28:12-28 ABTAG

Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa? Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; Ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay. Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: At sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin. Hindi mabibili ng ginto, Ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon. Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, Ng mahalagang onix, o ng zafiro. Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: Ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto. Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi. Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, Ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto. Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa? Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, At natatago sa mga ibon sa himpapawid. Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, Narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon. Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, At nalalaman niya ang dako niyaon. Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, At nakikita ang silong ng buong langit; Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan. Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, At ng daan sa kidlat ng kulog: Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; Kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat. At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; At ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.