Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA PANAGHOY 1:1-12

MGA PANAGHOY 1:1-12 ABTAG01

Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod na dating punô ng mga tao! Siya'y naging parang isang balo, siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa! Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan ay naging alipin! Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi, may mga luha sa kanyang mga pisngi; sa lahat ng kanyang mangingibig ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw, lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil, sila'y naging mga kaaway niya. Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati at mabigat na paglilingkod. Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa, ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan, inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya sa gitna ng pagkabalisa. Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa, sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda. Lahat ng kanyang pintuan ay giba, ang mga pari niya'y dumaraing; ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan, at siya'y mapait na nagdurusa. Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno, ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay, sapagkat pinagdusa siya ng PANGINOON dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway; ang kanyang mga munting anak ay umalis bilang bihag sa harapan ng kaaway. Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho ang lahat niyang karilagan. Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa na hindi makatagpo ng pastulan; sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol. Naaalala ng Jerusalem sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una. Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban, ay walang sumaklolo sa kanya, tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban, na tinutuya ang kanyang pagbagsak. Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat, kaya't siya'y naging isang maruming bagay; lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya, sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran. Oo, siya'y dumaraing at tumatalikod. Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit; hindi niya inalintana ang kanyang wakas; kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim, siya'y walang mang-aaliw. “O PANGINOON, masdan mo ang aking pagdadalamhati; sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!” Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay. Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa ang kanyang santuwaryo, yaong mga pinagbawalan mong pumasok sa iyong kapulungan. Ang buong bayan niya ay dumaraing habang sila'y naghahanap ng tinapay; ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan upang ibalik ang kanilang lakas. “Tingnan mo, O PANGINOON, at masdan mo; sapagkat ako'y naging hamak.” “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan? Inyong masdan at tingnan kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan, na ibinigay sa akin, na ipinabata sa akin ng PANGINOON sa araw ng kanyang mabangis na galit.