MGA PANAGHOY 1
1
Mga Kapanglawan ng Jerusalem
1Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
ay naging alipin!
2Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
sila'y naging mga kaaway niya.
3Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
sa gitna ng pagkabalisa.
4Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
ang mga pari niya'y dumaraing;
ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
at siya'y mapait na nagdurusa.
5Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
bilang bihag sa harapan ng kaaway.
6Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.
7Naaalala ng Jerusalem
sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
ay walang sumaklolo sa kanya,
tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
na tinutuya ang kanyang pagbagsak.
8Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
at tumatalikod.
9Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”
10Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
sa iyong kapulungan.
11Ang buong bayan niya ay dumaraing
habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
sapagkat ako'y naging hamak.”
12“Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
sa araw ng kanyang mabangis na galit.
13“Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy;
sa aking mga buto ay pinababa niya ito;
nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa,
pinabalik niya ako;
iniwan niya akong natitigilan
at nanghihina sa buong araw.
14“Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway,
binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay;
ang mga ito ay inilagay sa leeg ko,
pinapanghina niya ang lakas ko;
ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay
ng mga taong hindi ko matagalan.
15“Tinawanan ng Panginoon
ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko;
siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin
upang durugin ang aking mga binata;
niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas
ang anak na dalaga ng Juda.
16“Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
sapagkat nagwagi ang kaaway.”
17Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.
18“Ang Panginoon ay matuwid;
sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
ay nasa pagkabihag.
19“Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
upang ang lakas nila'y panumbalikin.
20“Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.
21“Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
at sila'y magiging gaya ko.
22“Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
at nanghihina ang puso ko.”
Kasalukuyang Napili:
MGA PANAGHOY 1: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001