Ano't nakaupong magisa ang bayan na puno ng mga tao!
Siya'y naging parang isang bao, na naging dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na naging prinsesa sa gitna ng mga lalawigan, ay naging mamumuwis!
Siya'y umiiyak na lubha sa gabi, at ang mga luha niya ay dumadaloy sa kaniyang mga pisngi;
Sa lahat ng mangingibig sa kaniya ay walang umaliw sa kaniya:
Ginawan siya ng kataksilan ng lahat ng kaniyang mga kaibigan; sila'y naging kaniyang mga kaaway.
Ang Juda ay pumasok sa pagkabihag dahil sa pagdadalamhati, at sa kabigatan ng paglilingkod;
Siya'y tumatahan sa gitna ng mga bansa, siya'y walang masumpungang kapahingahan;
Inabot siya ng lahat na manghahabol sa kaniya sa mga gipit.
Ang mga daan ng Sion ay nangagluluksa, sapagka't walang pumaparoon sa takdang kapulungan;
Lahat niyang pintuang-bayan ay giba, ang mga saserdote niya'y nangagbubuntong-hininga:
Ang mga dalaga niya ay nangagdadalamhati, at siya'y nasa kahapisan.
Ang kaniyang mga kalaban ay naging pangulo, ang kaniyang mga kaaway ay nagsiginhawa;
Sapagka't pinagdalamhati siya ng Panginoon dahil sa karamihan ng kaniyang mga pagsalangsang:
Ang kaniyang mga batang anak ay pumasok sa pagkabihag sa harap ng kalaban.
At nawala ang buong kamahalan ng anak na babae ng Sion:
Ang kaniyang mga prinsipe ay naging parang mga usa na hindi makasumpong ng pastulan,
At nagsiyaong walang lakas sa harap ng manghahabol.
Naaalaala ng Jerusalem sa kaarawan ng kaniyang pagdadalamhati at ng kaniyang mga karalitaan ang lahat niyang naging maligayang bagay ng mga kaarawan nang una:
Nang mahulog ang kaniyang bayan sa kamay ng kalaban, at walang sumaklolo sa kaniya,
Nakita siya ng mga kalaban, tinuya nila ang kaniyang mga pagkasira.
Ang Jerusalem ay lubhang nagkasala; kaya't siya'y naging parang maruming bagay;
Lahat ng nangagparangal sa kaniya ay humahamak sa kaniya, sapagka't kanilang nakita ang kaniyang kahubaran:
Oo, siya'y nagbubuntong-hininga, at tumatalikod.
Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniyang mga laylayan; hindi niya naalaala ang kaniyang huling wakas;
Kaya't siya'y nababa ng katakataka; siya'y walang mangaaliw;
Masdan mo, Oh Panginoon, ang aking pagdadalamhati; sapagka't ang kaaway ay nagmalaki.
Iginawad ng kalaban ang kaniyang kamay sa lahat niyang maligayang bagay;
Sapagka't nakita niya na ang mga bansa ay pumasok sa kaniyang santuario,
Yaong mga inutusan mo na huwag magsipasok sa iyong kapisanan.
Buong bayan niya ay nagbubuntong-hininga, sila'y nagsisihanap ng tinapay;
Ibinigay nila ang kanilang mga maligayang bagay na kapalit ng pagkain upang paginhawahin ang kaluluwa.
Iyong tingnan, Oh Panginoon, at masdan mo; sapagka't ako'y naging hamak.
Wala bagang anoman sa inyo, sa inyong lahat na nagsisipagdaan?
Inyong masdan, at inyong tingnan kung may anomang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan, na nagawa sa akin,
Na idinalamhati sa akin ng Panginoon sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit.