Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HABAKUK 2:2-20

HABAKUK 2:2-20 ABTAG01

At ang PANGINOON ay sumagot sa akin: “Isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo. Sapagkat ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito; at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling. Kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo; ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala. Masdan mo ang palalo! Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Bukod dito ang alak ay mandaraya; ang taong hambog ay hindi mamamalagi sa kanyang tahanan. Ang kanyang nasa ay parang Sheol, at siya'y parang kamatayan na hindi masisiyahan. Kanyang tinitipon para sa kanya ang lahat ng bansa at tinitipon para sa kanya ang lahat ng bayan.” Hindi ba ang lahat ng ito ay magsasalita ng kanilang pagtuya at panlilibak laban sa kanya, at kanilang sabihin, “Kahabag-habag siya na nagpaparami ng di kanya— Hanggang kailan ka magpapasan ng mga bagay na mula sa sangla?” Hindi ba biglang tatayo ang iyong mga nagpapautang, at magigising ang mga naniningil sa iyo? Kung gayon ay magiging samsam ka nila. Sapagkat iyong sinamsaman ang maraming bansa, sasamsaman ka ng lahat ng nalabi sa mga tao, dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasang ginawa sa lupain, sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon. Kahabag-habag siya na may masamang pakinabang para sa kanyang sambahayan, upang kanyang mailagay ang kanyang pugad sa itaas, upang maligtas sa abot ng kapahamakan! Ikaw ay nagbalak ng kahihiyan sa iyong sambahayan, sa pamamagitan ng pagpatay ng maraming tao, ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili. Sapagkat ang bato ay daraing mula sa pader, at ang biga mula sa mga kahoy ay sasagot. Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan! Hindi ba mula sa PANGINOON ng mga hukbo na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy, at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan? Sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng PANGINOON, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat. Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa, na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila, upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran! Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian. Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran! Ang kopa sa kanang kamay ng PANGINOON ay darating sa iyo, at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian! Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo, ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila, dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain, sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon. Anong pakinabang sa diyus-diyosan pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon, isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan? Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan! Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka; sa piping bato, Bumangon ka! Makakapagturo ba ito? Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak, at walang hininga sa loob niyon. Ngunit ang PANGINOON ay nasa kanyang templong banal; tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!