Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Habakuk 2:2-20

Habakuk 2:2-20 ASND

Ito ang sagot ng PANGINOON kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.” Ito ang isulat mo: “Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan. At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito, “ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo, at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan. “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay. Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay. “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng PANGINOONG Makapangyarihan. Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng PANGINOON. “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng PANGINOON. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran at malalagay kayo sa kahihiyan. Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan. “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. Pero ang PANGINOON ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”