Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isang Salita na Magbabago sa Iyong BuhayHalimbawa

One Word That Will Change Your Life

ARAW 2 NG 4

Isang Salita Lamang

Itakda
Mahirap gawing simple ang buhay. Ang pagtutok sa iisang bagay lamang ay tila imposible. Sa loob ng nagdaang taon, maaaring daan-daang beses kang natanong ng, “Kumusta na?” Marahil ang sagot mo ay ganito, "Naging SOBRANG abala ako!" Wala kang maririnig na magsasabing, “Napakarami kong sobrang oras at naghahanap ako ng bagong pagkakaabalahan.” Walang ganitong taong nabubuhay.

Tone-tonelada ang iyong mga responsibilidad, at madalas puno ng gawain ang iyong maghapon. Pakiramdam mo’y itinatakbo mo ang buhay. Kaya naman kailangang buo ang ating hangarin na gawing malinaw at simple ang ating buhay. Ibinabahagi namin sa maraming tao ang simpleng disiplina ng pagbuo ng isang salita bilang tema para sa darating na taon. Napagkasunduan naming tumigil na sa paglilista ng mga resolusyon at magsimulang isabuhay ang Isang Salita. Bagama’t wala sa Biblia ang pariralang “Isang Salitang tema”, kapansin-pansin na ang pariralang “isang bagay” ay limang beses na binanggit sa Biblia: isa sa Mga Taga-Filipos at apat naman sa mga Aklat ng Ebanghelyo.

Sa Mga Taga-Filipos 3:13-14, ginagamit ni Pablo ang pariralang “isang bagay” upang magpakita ng pagtutok at kalinawan sa kanyang misyon. Sa Lucas 10:42, sinasabi ni Jesus kay Marta, “isang bagay lang ang kailangan.” Binabanggit sa Lucas 18:22 at Marcos 10:21 ang mga sinabi Niya sa mayamang lalaki at ipinahahayag ang kakulangan ng “isang bagay.” Nakasama rin sa Juan 9:25 ang parirala habang sinasabi ng bulag sa mga Pariseo na, “Isang bagay lamang ang nalalaman ko. Ako’y bulag ngunit ngayo’y nakakakita na!” Sa katulad na paraan na ginagamit ang mga salitang ito sa Banal na Kasulatan, maaari din nating gamitin ito sa paghiling sa Diyos na ipabatid sa atin ang Isang Salita para sa taon.

Nang simulan namin ang prosesong ito, ang isang bahagi ng aming kasiyahan ay nasa pagpili ng salita para sa taon, ngunit natutunan namin na hindi kinakailangang kami ang pumili ng salita, bagkus ay ang Diyos ang nagsisiwalat nito sa atin. Ang Diyos ay maaaring magbigay ng isang napakagaling at pinaka-akmang salita para sa iyong kaluluwa. Sa aming mga unang taon, inaamin namin na kalimitan ay kami lamang ang pumipili ng salita.

Gayunpaman, ginamit pa rin ito ng Diyos! Ngunit habang lumalago ang aming karanasan sa prosesong ito, natutunan naming makinig nang mabuti at abangan ang sasabihin ng Diyos tungkol sa salitang aming gagamitin. Sa pakikinig sa tinig ng Diyos, matutuklasan ang salitang mula sa Kanya, hindi lamang basta isang mabuting salita.

Nawa’y malibang ka sa proseso at alalahanin mo: Isang Salita lamang. Hindi isang parirala. Hindi rin dalawang salita. Paliitin mo ang sakop ng iyong paningin upang makaranas ng pagbabago sa buhay. Isang Salita lamang!

Simulan na
1. Bakit napakahirap na gawing simple ang buhay? Bakit napakamasalimuot ng buhay?
2. Bakit sa tingin mo ay gumagawa tayo ng mas maraming bagay imbes na mas kaunti para lamang hangaan tayo ng mga tao?
3. Ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos ngayon tungkol sa paksa ng iyong Isang Salita para sa taon? Tiyaking maglaan ng oras sa pagdarasal at hilingin ang Diyos na mangusap sa iyo.


Workout
Lucas 10:42; Lucas 18:22; Marcos 10:21

Overtime
“Minamahal na Ama, humihiling po ako ng Isang Salita lamang. Nais ko po ng Isang Salita mula sa Inyo. Ihayag po Ninyo ang Inyong Sarili sa akin. Handa po akong tanggapin ang salitang nakalaan para sa akin. Sa pangalan ni Jesus, Amen.”
Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

One Word That Will Change Your Life

Ang ISANG SALITA ay tumutulong na maging payak ang iyong buhay sa pamamagitan ng pagtutok sa ISANG SALITA sa loob ng isang taon. Ang kapayakan ng pagtuklas sa salitang inilaan ng Diyos para sa iyo ay nakapagbibigay-daan sa pagbabagong-buhay. Ang kawalang-ayos at kaguluhan ay nagdudulot ng pagpapaliban sa mga gawain at pagkaparalisa, samantalang ang pagiging payak at pagkakaroon ng pokus ay daan patungo sa tagumpay at kaliwanagan. Ipinapakita sa 4-araw na debosyonal na ito kung paano mo maisasabuhay ang isang salitang mithiin mo para sa buong taon.

More

Nais naming pasalamatan sina Jon Gordon, Dan Britton, at Jimmy Page sa pagbabahagi ng babasahing ito. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: www.getoneword.com