Puro Pera Pero...Halimbawa
Ang Pera Ay Ginagamit Lamang
Ang pera ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa atin para gamitin natin nang tama, hindi para sambahin o mahalin ito. Ito ay masaganang ibinibigay ng Diyos sa atin, kasama ng iba pang bagay, para sa ating kasiyahan. Ngunit hindi nagtatapos dito ang layunin ng Diyos. Nais rin Niya na gamitin natin ito sa kabutihan. Gusto Niya na magpakayaman tayo, hindi sa pera, kundi sa mabuting gawa. Gusto Niya na maging bukas-palad tayo at matulungin sa kapwa.
Hindi masama ang magkaroon ng pera. Kung sakali man na yumaman tayo, hindi rin ito kasalanan. Ito ay pagpapala ng Diyos! Kaya, kung pagpapalain tayo sa mga materyal na bagay, magpasalamat tayo sa Diyos. Gamitin natin ito para sa mga pangangailangan natin sa buhay at, kung loloobin pa ng Diyos, gamitin rin natin ito para sa kasiyahan natin o ng mga mahal natin sa buhay. Kumain tayo nang masarap na pagkain o di kaya ay mamasyal tayo sa ibang lugar o bansa! Hindi tayo dapat ma-guilty sa mga ganitong bagay, lalo na kung pinagkalooban naman tayo ng Diyos ng biyaya at kakayahan para gawin ito.
Ngunit hindi dapat matapos dito ang paggamit natin ng pera!
Ang pera ay dapat rin natin gamitin para tuparin ang layunin ng Diyos para sa atin. Nais ng Panginoon na, tulad Niya, tayo rin ay maging handa na tumulong sa iba. Ang pera ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa atin upang ito ay magamit sa mabuti. Ang pagtulong sa kapwa ay gawain ng Diyos na nais Niya ipatupad sa pamamagitan natin. Tayo ang magiging instrumento Niya sa mundong ito. Huwag natin isarado ang ating mga palad sa mga taong tunay na nangangailangan, lalo na loob ng iglesya na kinabibilangan natin. Ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay naging mahirap, upang sa pamamagitan ng Kanyang kaligtasan, tayo ay maging mayaman sa kabutihan. Sa pamamagitan ng pagtitiwala natin kay Jesus, maaari tayo magkaroon ng kakayahan na tumulong sa iba.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
“Puro pera na lang ang pinag-uusapan sa church namin!” Nasabi mo na ba ito? Narinig mo na ba ito? Ikaw ba yung pastor o preacher na guilty sa ganitong bagay? Pero, teka muna. Saan ba dapat pag-usapan ang tungkol sa pera? Mahigit 2,300 beses binabanggit ang pera sa Bible. Mukhang maraming nais sabihin ang Panginoon tungkol dito. Hindi ba dapat pag-usapan natin ito? Sa devotional na ito, alamin natin kung bakit mahalagang maunawaan ang tungkol sa pera ayon sa salita ng Diyos upang tayo ay maging tapat na alagad ni Kristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Real Life Christian Communities Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://rlcc.ph