Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhayHalimbawa
Ang Pagkamatay ni Cristo
BASAHIN
Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib. Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari.
LUCAS 23:44–49
Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
JUAN 19:30
Basahin din: Marcos 15:33–39
PAG-ISIPAN
Bago natin simulan ang pag-uusapan ngayong araw, maglaan muna tayo ng sandali para manalangin sa Diyos at hangaring marinig ang Kanyang tinig para gabayan at tulungan tayo:
Mabuti at mapagbigay na Diyos,
bigyan Mo po kami ng karunungan,
pang-unawa, at higit na pagpapahalaga
sa Iyong pagmamahal sa amin
sa pamamagitan ng Iyong Anak
habang kami ay namumuhay
ayon sa Iyong kalooban
at mga pamamaraan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Ano ang mabuti sa Biyernes Santo? Sa araw na ito ay inaalala natin kung paano ipinako si Jesus sa gitna ng dalawang magnanakaw at kung paano Niya pinagdusahan ang brutal na pambubugbog, hindi makataong paghagupit, at labis na kahihiyan. Ang kasalanan ng sangkatauhan ay inilagak lahat sa Anak ng Diyos na humantong sa Kanyang pagdurusa at kamatayan. Paano natin masasabi na ang araw na katulad nito ay mabuti?
Sa araw na ito, ginugunita natin na hindi ang mga pako ang dahilan ng pananatili ni Jesus sa krus. Sa halip dahil ito sa pagtupad Niya sa kagustuhan ng Ama at pagmamahal Niya para sa atin. Sa sandaling hinugot Niya ang Kanyang huling hininga, ang tabing na naghihiwalay sa atin mula sa banal na presensiya ng Diyos ay nahati sa dalawa at ngayo’y naging lagusan tungo sa isang walang hanggang ugnayan sa pamamagitan ng ginawa Niyang pagtubos.
Ang pagdurusa at kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang paraan kung paano natin natatanggap ang biyaya, kalayaan, at bagong buhay.
Habang nangyayari ang pagpako, makikita natin na iba-iba ang naging tugon ng mga taong nakakita sa mga pangyayaring ito:
- Ipinahayag ng senturyon ang kawalang-kasalanan at banal na pagkakakilanlan ni Jesus habang sinasabi niya na, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” (Lucas 23:47). Mababasa sa ebanghelyo ayon kay Marcos na sinabi ng isang kapitan ng mga sundalo na, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” (Marcos 15:39).
- Umuwi ang karamihan ng mga tao na pinapalo ang kanilang mga dibdib at nagpakita ng kanilang kalungkutan at siguro’y pati na rin pagsisisi.
- Ang mga kakilala ni Jesus at mga babaeng sumusunod sa Kanya ay tumayo sa malayo, at kinilala ang katotohanan ng Kanyang pagkamatay.
“Tapos na.” Malayo sa desperadong iyak o ginhawa dahil natapos na ang paghihirap, ang deklarasyong ito ni Cristo ay nangangahulugan ng pagkumpleto sa lahat ng gusto Niyang tuparin at sa kabayaran para sa ating kaligtasan.
Kaya’t ano ba ang maganda sa Biyernes Santo? Ito ang panahong ipinakita ng Diyos ang lalim ng Kanyang biyaya at pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpayag na tiisin ng Kanyang Anak ang paghihirap at maging isang alay para sa kasalanan ng mundo. Sa krus ay ginawa ni Jesus ang hindi natin kailanman magagawa para sa ating mga sarili. Hinding-hindi natin maitatama ang sarili natin sa Diyos sa paraang ginawa ni Jesus para sa atin.
Habang pinag-iisipan natin ang araw na binuhat ni Jesus ang bigat ng krus, nawa’y malaman at mapaniwalaan natin na hindi na natin kailangang pagdaanan ang brutal na pambubugbog, paghagupit, pagkapahiya, at pagpapapako sa krus na Kanyang tiniis para sa atin. Hindi na kailangan pang makipaglaban sa takot, pagkakasala, at kahihiyan. Sa halip, ang kailangan lamang ay ilagay natin ang ating pananampalataya sa ginawa ni Jesus sa krus. Ang pagdurusa at kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang paraan kung paano natin natatanggap ang biyaya, kalayaan, at bagong buhay.
TUMUGON
- Nagtiwala ka na ba sa ginawa ni Cristo para sa iyong kaligtasan? Para sa ‘yo, ano ang ibig sabihin ng paghihirap at pagkamatay ni Jesus sa krus? Paano pinapalakas ng Kanyang sakripisyong kamatayan ang loob mo araw-araw? Pag-isipan at tugunan sa nakasulat sa Mga Taga-Efeso 2:8–9.
- Sa buhay mo, ano ang nakakapagparamdam sa ‘yo ng takot, pagkakasala, o kahihiyan? Paano nababago ang iyong pamumuhay ng kaalaman na sinakop na ni Jesus ang lahat ng ito sa krus? Sa kabila ng mga paghihirap na iyong naranasan, maglaan ng konting panahon ngayong araw upang pag-isipan ang kabutihan ng Diyos sa ‘yo.
- Ibahagi ang magandang balita ng ebanghelyo ni Jesus sa iyong pamilya at mga kaibigan ngayon. Ikuwento mo sa kanila ang tungkol sa ganap na ginawa Niya sa krus at kung paano Siya kumilos sa iyong buhay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/