Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhayHalimbawa
Ang Paglilinis ng Templo
BASAHIN
Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo. Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi ba’t sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’? Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.” Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo. Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya.
MARCOS 11:15–19
Basahin din: Awit 69; Juan 2:13–22
PAG-ISIPAN
Sa pagpapatuloy ng ating debosyon ngayong linggo, maglaan tayo ng ilang sandali para manalangin at humiling sa Diyos na mangusap at kumilos Siya sa atin nang may dalang kaginhawaan:
Maalaga at maawaing Diyos,
gisingin Mo sa amin ang katotohanan
ng Iyong banal na presensiya
at ang Iyong pagiging malapit sa amin
sa lahat ng araw-araw.
Sa ngalan ni Jesus, Amen.
Tulad ng binasa natin sa salaysay ni Marcos, sa pagpasok Niya sa templo, may ginawa si Jesus na maaaring makaalarma sa atin o makapagpailang. Galit na galit si Jesus. At di tulad ng galit natin, ang galit Niya ay matuwid na pagkagalit.
Tinaboy ni Jesus ang mga nagtitinda gamit ang mga latigo at hindi sila hinayaang makabalik sa pagtitinda tulad ng dati. Ganun katindi ang paglinis Niya sa templo na kahit ang mga relihiyosong lider ay nayanig. Siguradong nagulat rin ang mga disipulo ni Jesus nang makita nila ang kanilang Guro na sumama ang loob at nagalit sa loob ng templo at pinagbabaliktad ang mga mesa at nagsimula ng kaguluhan.
Namangha sila sa Kanya at sa Kanyang itinuro nang araw na iyon: “Ang templo, ang tahanan ng Aking Ama, ay isang lugar para sa lahat ng bansa upang magkapagtipon-tipon, manalangin, at makilala ang Diyos at hindi ito lugar para sa pangangalakal at pananamantala ng tao.”
Ang awtoridad, integridad, at labis na pagmamahal ni Jesus ay kapuri-puri at hindi mapapantayan.
Mula sa kuwentong ito at sa buhay ni Jesus, makikita natin ang dalawang pagpapahayag ng Kanyang labis na pagmamahal:
- Itinaboy ni Jesus ang mga gumamit sa templo para sa sarili nilang kapakanan. Tinanggal Niya lahat ng humarang sa pagsamba ng mga tao sa Diyos. Gusto Niyang magamit ang templo ayon sa itinakda ng Diyos—isang lugar kung saan maaaring pumunta ang mga bansa para makapagdasal at makasamba sa Kanya.
- Inialay ni Jesus ang Kanyang katawan at ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa krus upang tayo ay maligtas. Inalis Niya ang ating kasalanan at binigyan tayo ng awa at biyaya. Ito ang pinakamahalaga Niyang pagpapahiwatig ng Kanyang labis-labis na pagmamahal.
Ang paghahayag na ito ng Kanyang labis na pagmamahal ay maraming aplikasyon para sa atin. Tayo rin ay maaaring maging masigasig sa mga bagay na mahalaga para sa Kanya. Masigasig si Jesus sa pagtanggal ng kahit na anong bagay na makakahadlang sa ugnayan natin sa Diyos. Ipinakita Niya sa atin ang kahalagahan ng paglapit sa Diyos at pakikipag-usap sa Kanya sa panalangin, pagsamba, at pagsasama-sama araw-araw. Sa katunayan, ang hindi paglaan ng oras para sa ugnayan natin sa Diyos ay nakakapinsala para sa atin dahil hindi na tayo magkakaroon ng malakas na ugnayan sa Kanya.
Bilang mga nailigtas at natubos mula sa kasalanan, nawa’y magkaroon din tayo ng kaparehong sigasig para sa Diyos, sa Kanyang Iglesya, at sa Kanyang misyon. Nawa’y unahin natin Siya lagi sa lahat ng ating gagawin. Nawa’y tayo, ang templo ng buhay na Diyos ay laging mapuno ng Banal na Espiritu at mailaan para sa pagsulong ng Kanyang pamumuno sa ating mga tahanan, lungsod, at bansa. Habang ginagawa natin ito, mahahanap natin ang kapayapaan sa Kanyang presensiya at ang biyaya para maipamuhay ang Kanyang salita at Kanyang tawag sa ating buhay.
TUMUGON
- Sa tingin mo, bakit ganoon ang naging pagtugon ni Jesus sa templo? Ano ang ipinapakita nito sa iyo tungkol sa kung sino Siya at paano Siya gumagalaw sa iyong buhay?
- Bilang anak ng Diyos na tinubos na at inilaan para sa layunin ni Cristo, ano kaya ang nagiging hadlang para sa pagkakaroon mo ng tiyak na oras at lugar upang makipag-usap sa Diyos araw-araw? Paano mo maibibigay ang buo mong atensyon at paano ka makakapaglaan ng panahon para pag-isipan ang salita ng Diyos sa panahong ito? Tukuyin ang mga pumipigil sa ‘yo at magsulat ng maikling panalangin na humihiling sa Diyos para sa kakayahang sumunod.
- Masasabi mo bang masigasig ka sa pagbahagi sa iba tungkol sa kung sino si Jesus at kung ano ang ginawa Niya para sa ‘yo? Sa tingin mo, bakit natin kailangang ibahagi ang pananampalataya natin sa iba? Paano ito naging imposible kung aasa ka lang sa sarili mong lakas? Paano kaya ito magiging bahagi ng pamumuhay mo?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/