Place of Grace | Isang Debosyonal para sa Semana Santa mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng PagkabuhayHalimbawa
Ang Pagtatanong ng mga Relihiyosong Lider kay Jesus
BASAHIN
Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Diyos o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Diyos.” Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
MATEO 21:23–27
Basahin din: Mateo 21:42–46; Marcos 11:27–33; 12:1–12; Lucas 20:1–18
PAG-ISIPAN
Dito sa talatang ito, hinahamon ng mga relihiyosong lider ang awtoridad ni Jesus na gawin ang lahat ng mga ginagawa Niya. Hindi nila maintindihan kung sino Siya. Kung titingnan ang naging tugon nila sa mga katanungan ni Jesus, makikitang mas nag-aalala pa sila sa kanilang reputasyon sa halip na alamin, unawain, at paniwalaan si Jesus at ang Kanyang awtoridad. Bilang mga pinuno ng relihiyon, higit na pamilyar sila sa mga batas ng Diyos, ngunit sila ang pinakanabulag ng pagiging relihiyoso at makatuwiran sa sarili nilang mga mata. Sila ang mga espirituwal na pinuno noong panahong iyon, ngunit hindi nila nakita ang ginagawa ng Diyos at hindi nila nakilala ang awtoridad Niya sa kanilang mga buhay.
Tulad ng pagdududa ng mga relihiyosong pinuno sa awtoridad ni Jesus, may ugali rin tayong pagdudahan ang awtoridad ng Diyos sa ating mga buhay. Kapag nagkulang tayo sa pagsuko o pagpapasakop sa Kanyang awtoridad, ang paggawa ng lahat ng mga relihiyosong gawain ay mawawalan ng saysay. Sa halip na pagtuunan ang pagiging relihiyoso, dapat ay sagutin natin ang tanong tungkol sa awtoridad: Totoo bang tinatanggap natin ang awtoridad ng Diyos sa bawat bahagi ng ating buhay? Lahat ng ginagawa natin para sa Diyos ay dapat magmula sa ugnayan natin sa Kanya at sa kagustuhan nating bigyan Siya ng karangalan at magpasakop sa Kanyang awtoridad. Ang pagsunod ay isang pagtugon sa kaalaman na Siya ay parehong Tagapagligtas at Panginoon. Karapat-dapat Siya sa pagpapasakop natin sa bawat bahagi ng ating buhay.
Kapag hindi nasusunod kung ano ang gusto nating mangyari, at hindi tayo sumasang-ayon sa Diyos, puro tanong ang isinasagot natin sa Kanya. Minsan ay hindi na rin natin binabasa ang
Totoo bang tinatanggap natin ang awtoridad ng Diyos sa bawat bahagi ng ating buhay?
Kanyang salita o kaya ay tinatalikuran natin Siya. Ang totoo niyan, kapag hindi tayo nagpapasakop sa Kanyang awtoridad, pinipili nating magpasakop sa ibang tao o ibang bagay. Ngunit ang totoong lugar kung saan tayo makakaranas ng biyaya, kalayaan at kaganapan ay kay Cristo, sa ilalim ng Kanyang awtoridad.
Ngayong linggo, alalahanin natin at pag-isipan ang pagiging Panginoon ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa krus, kahit na Siya ay may ganap na awtoridad, ipinakita Niya sa atin ang ganap na pagpapatunay ng Kanyang pagmamahal at biyaya. Kinuha Niya ang ating katayuan, namatay Siya para sa atin, at tinubos tayo. Nawa’y mauwi ito sa isang ganap na pagsuko kahit na may mga bagay pa tayong hindi maintindihan o pinagdududahan. Nawa’y sambahin natin Siya, maranasan natin ang Kanyang presensiya, at mamuhay tayo sa ilalim ng Kanyang awtoridad nang may pagpapasalamat at kapayapaan. Nawa’y ang krus ni Cristo ang umakay sa atin tungo sa isang buhay na may pagsisisi at habangbuhay na pagpapasailalim sa Kanya.
TUMUGON
- Masasabi mo bang ikaw ay relihiyoso? Ano ang ilan sa mga bagay na ginagawa mo tuwing Semana Santa na relihiyoso ngunit sa tingin mo ay walang kabuluhan o walang naidudulot na pagbabago? Anong mga kaalaman ang nakuha mo mula sa mga pinag-isipan mo ngayon?
- Paano ka madalas tumutugon sa awtoridad? Sino ang masasabi mong awtoridad sa buhay mo? Sa tingin mo, kung ito ay ang Panginoong Jesu-Cristo, paano ka tutugon sa Kanya ngayon at sa araw-araw?
- Maghanap ng lugar ngayong linggo kung saan pwede kang manahimik sa presensiya ng Diyos kahit ilang minuto lang. Maglaan ng panahon upang makapagdasal at makasama ang Diyos sa bago mong pamamaraan.
Lord of All ng Victory Worship
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para ipagdiwang ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay, pag-isipan natin kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala sa Kanyang Anak upang mamatay sa krus at dalhin tayo sa lugar ng biyaya't pagmamahal na nagbibigay sa atin ng kakayahang ipamuhay ang naging tagumpay ni Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/