Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pag-unawa sa Kalooban ng DiyosHalimbawa

Understanding God's Will

ARAW 2 NG 3

Sa unang araw ng gabay na ito, nakita natin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Nakita natin kung paanong ang Diyos ay higit na nababahala sa ating pangmatagalang pagkatao kaysa sa ating panandaliang kaligayahan. Ang Kanyang kalooban para sa ating buhay ay para tayo'y maging higit na katulad ni Cristo, at hangga't inuuna natin ang paghanap sa kaharian ng Diyos at sa Kanyang katuwiran, ang lahat ng iba pang mga bagay ay magiging maayos.

Sabihin natin na naroroon ka na, sabihin natin na ginawa mo ang Diyos bilang iyong pangunahing prayoridad, sinikap mong hanapin Siya nang buong puso, at ipinagkaloob mo sa Kanya ang iyong buhay at kalooban.

Ano ang mangyayari pagkatapos nito?

Maaring, baka gusto mo pa ring malaman ang kalooban ng Diyos para sa iyo sa partikular na mga kalagayan sa iyong buhay, gaya ng iyong trabaho, gawa, pag-aaral, o mga relasyon. Maaaring naghihintay ka ng patnubay, o ng isang pahiwatig, o ng isang tanda, o ng ilang panuto mula sa Kanya.

Minsan ay nakukuha natin ito, minsan ay hindi.

Ano ang ginagawa mo kapag wala kang naririnig mula sa Kanya? Gawin mo ang ginawa ng mga apostol.

Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asya, naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, nais nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita. - Mga Gawa 16:6-10

Naroon si Pablo na apostol, na tiyak na hinahanap muna ang Diyos, at kung ang sinuman ay nangangailangan ng patnubay sa puntong ito, siya iyon; sapagkat siya ay nasa malaking misyong ito upang sabihin sa sanlibutan ang tungkol kay Jesus.

Kaya ito ang ginawa niya. Sinabi niya, 'Humayo tayo sa lugar na ito na tinatawag na Bitinia upang ipangaral ang ebanghelyo,' at sinabi ng Espiritu Santo na hindi. Kaya sinabi niya, 'Sige, pumunta tayo sa probinsiya na ito na tinatawag na Asya,' at nang makarating siya roon, sinabi muli ng Banal na Espiritu na hindi. (Paano nga ba? Hindi natin alam. Ngunit ang punto ay mayroong isang malinaw na hadlang na pumipigil kay Pablo na pumunta sa mga lugar na ito)

Kaya siya'y tumungo sa dagat patungo sa lunsod ng Troas.

Larawan ng biblestudy.org

Ngayon, hindi ba iyon isang kawili-wiling paraan ng patnubay? Hindi siya magagabayan kung hindi siya kumikilos.

Hindi lamang nakaupo si Pablo sa Galacia at naghihintay na bigyan siya ng tiyak na mga tagubilin ng Banal na Espiritu. Sinabi lamang niya, 'Gawin natin ito, ipagpatuloy natin ang gawain, subukan natin ito at tingnan natin kung ano ang mangyayari,' at sa gayon, pinatnubayan siya ng Espiritu Santo.

At nang hindi na siya makagalaw pa, napanaginipan niya kung ano mismo ang dapat niyang gawin, at ngayon siya ay nasa tamang lugar kung saan magagawa niya ito.

Tayo'y mas mahusay na pinapatnubayan kapag tayo'y naglalakad, kapag patuloy tayong gumagawa ng gawain na nasa ating kamay.

Ganito ang sabi ng mangangaral na si David Pawson, 'Mas madali kang magmaniobra ng kotse kapag ito'y gumagalaw kaysa kapag ito'y hindi gumagalaw.'

Ano ang ginagawa mo kapag nalilito ka sa kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyong buhay? Kapag hindi mo alam kung saan ka Niya gustong pumunta?

Una, hanapin Siya. Manalangin at gumugol ng panahon sa Kanya. Hayaan ang iba na manalangin para sa iyo, humingi ng payo, at makilala ang Kanyang kalooban mula sa Kanyang Salita...

...at pagkatapos ay magpatuloy sa isang bagay. Gawin mo na.

Hayaan ang Banal na Espiritu na gabayan ka habang ikaw ay gumagalaw. Huwag ka lang umupo at maghintay. Manalangin at magsimula ngayon. Kung naghihintay ka ng isang tanda; marahil ito na. Lumakad ka at magtiwala ka sa Diyos, at patatatagin Niya ang iyong mga hakbang.

Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Understanding God's Will

Naranasan mo na bang magkaroon ng kalituhan tungkol sa kung ano ang kalooban ng Diyos sa isang partikular na sitwasyon? Ang 3-araw na plano na ito ay nagsasaliksik kung paano natin malalaman ang Kanyang kalooban, ang Kanyang pangkalahatang kalooban at ang Kanyang partikular na kalooban para sa ating buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Awe & Wonder sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://aweandwonder.in/