Ang Biblia ay BuhayHalimbawa
Ang Biblia ay Nagbibigay Pag-asa
Si Ghana* ay isang relihiyosong Muslim hanggang sa natuklasan niya ang nakakapagpabagong-buhay na kapangyarihan ng Diyos noong 2016. Ngunit matapos maging Cristiano, siya ay tinalikuran, iniwasan, at itinakwil ng kanyang pamayanan at ng kanyang pamilya. Sa isang panahon, ang kanyang mga anak ay kinuha sa kanya at ipinadala sa ibang bansa.
At bagaman tumanggi si Ghana na talikuran si Jesus, nakita niya ang kanyang sarili na walang matibay na suporta na makakatulong sa kanyang paglago sa pananampalataya. Dahil sa lungkot at panlulumo, naisipan din niyang tapusin ang kanyang buhay. Ngunit kalaunan may nakilala siyang naglagay ng YouVersion sa kaniyang phone.
Noong una, hindi interisado si Ghana, ngunit di katagalan ay sinimulan niyang basahin ang Bersikulo ng Araw kapag madaling araw upang magnilay-nilay sa kahulugan nito at gamitin itong gabay para sa kanyang araw. At paglipas ng panahon, isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap…
“Ang mga bersikulo ay naging buhay at nanahan sa akin. Tinuruan ako ng mga iyon kung paano makikitungo sa mga tao sa tamang paraan, at tinulungan akong makabangon mula sa aking pagkalumbay. Kahit ako ay tinalikuran, natagpuan ko ang kapanatagan sa tuwing babasahin ko ito. Sa tuwing binabasa ko ang Bersikulo ng Araw, sa ilang natatanging paraan ay nabubuhayan ako ng loob at nabibigyan ng pag-asa. Tila parang direktang nangungusap sa akin ang Diyos sa pamamagitan ng mga bersikulo.
Si Ghana ngayon ay naghahanap ng mga oportunidad upang maibahagi ang Bersikulo ng Araw kahit saan man siya magpunta. Ipinapaskil niya ang mga bersikulo online upang makapagbigay lakas ng loob sa kanyang pamayanan, at nagsasalita patungkol sa Banal na Kasulatan sa kanyang pinagtatrabahuhan sa kanyang mga katrabaho at mga kliyente.
Ang kanyang kuwento ay isa lamang halimbawa nang kung ano ang kayang gawin ng Salita ng Diyos sa ating lahat. Maaari magbago ang mga sitwasyon, magkakaroon ng mga pagbabago ang damdamin, maaaring biguin o talikuran tayo ng mga tao—ngunit ang Salita ng Diyos ay mananatili habang buhay. At dahil diyan, maaari nating danasin ang kapayapaan at pag-asa na higit pa sa ating mga kalagayan. Sapagkat kapag hinayaan natin ang Salita ng Diyos sa ating mga puso, ito ay mananatili doon.
Ngayon, hilingin sa Diyos na bigyang buhay ang Kaniyang Salita sa iyo sa pamamagitan ng panalanging ito:
O Diyos, Ikaw ang lumikha sa akin at nakakakilala sa akin. Ikaw lamang ang may kapangyarihan na baguhin ang aking buhay. Kaya ngayon, hinihiling ko na iayon mo ang aking buhay sa Iyong Salita. Anuman ang aking haharapin, bigyan Mo ako ng katapangan na manatiling totoo sa Iyong Salita upang maihayag ko ang Iyong katotohanan at pagmamahal sa mga taong inilagay Mo sa aking buhay. Palalimin mo ang ugat ng aking pananampalataya habang lumalapit ako sa Iyo. Sa ngalan ni Jesus, Amen.
*Ang pangalan ay pinalitan upang protektahan ang kaniyang pagkakakilanlan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Simula pa noong unang panahon, ang Salita ng Diyos ay aktibong nagpapanumbalik ng mga puso at isipan—at hindi pa tapos ang Diyos. Sa natatanging 7-araw na Gabay na ito, ating ipagdiwang ang nakakapagpabagong buhay na kapangyarihan ng Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano ginagamit ng Diyos ang Biblia upang makaapekto sa kasaysayan at baguhin ang mga buhay sa iba't ibang panig ng mundo.
More
Ang orihinal na Gabay sa Bibliang ito ay inilikha at nagmula sa YouVersion.