Mangarap nang Malaki kasama ni Bob GoffHalimbawa
Ang tanong na, "Saan ka naroon?" ay isa sa pinakaunang pakikipag-ugnay na makikita natin sa Biblia sa pagitan ng Diyos at mga taong tulad nating nilikha Niya. Noong nagkaloko-loko na, nakalimutan pa ni Adan at Eva kung sino sila at nagtago. Nang itanong ng Diyos ang, "Saan ka naroon?", hindi Siya naghahanap ng literal na sagot, syempre. Alam ng Diyos ang lahat ng bagay, kahit hindi natin nauunawaan o ayaw nating tanggapin. Hindi longhitud o latitud ang pinag-uusapan Niya; Tinutukoy Niya ang kalagayan ng kanilang pag-iisip; Nais Niyang malaman kung alam nila kung nasaan sila. Nakasiksik sila sa likod ng mga halaman, oo, ngunit ang tunay nilang kinalalagyan ay isang dakong nagngangalang hiya. Huwag kang magpalinlang sa iyong nakaraan. Magsisinungaling ito sa iyo, gagambalain ka, susubuking kunin ang iyong atensyon, at matapos ay pagtatawanan ka dahil napatingin ka. Ang hiya ay may isa at iisa lang na pakay: ang iplasta ka sa madilim mong nakaraan habang itinatago ang magandang kinabukasan sa iyo.
Ang bawat isang tao ay nasa isang lugar. Alam kong tila kitang-kita naman iyon, at totoo naman ito sa isang aspeto. Ngunit ilang tao ang talagang nakakaalam kung nasaan sila sa kanilang buhay? Ang alamin ito ang magbubunyag ng katotohanan. Ang totoo ngunit nakakapagtaka ay alam na ng karamihan sa atin ang mas malalim na sagot, ngunit natatakot tayong ihayag ito nang malakas. "Ako'y nasa aking adiksyon. Sumasama na lang ako sa agos sa aking buhay may-asawa. Hindi ko inaabot ang pinakamagandang maaari kong abutin para mas mapadali ang buhay ko. Natatakot akong mabubunyag ako."
Kaya't, oras mo na ito. Saan ka naroon? Lakasan mo ang loob mo. Alamin mo, angkinin mo, pagkatapos isulat mo o sabihin nang malakas. Magpasama ka sa kaibigan mo sa Starbucks, magpalibre ka sa kanya, at gumugol ng tatlong minutong pagpapakatotoo habang magkasama. Sabihin sa isang tao, o maaaring sa ilang taong pinagkakatiwalaan mo, kung nasaan ka talaga. Kung hindi mo kayang sabihin, ipasa sa kanila ang maikling sulat na ginawa mo. Kailangan nating sabihin sa ibang tao kung nasaan tayo upang masalubong nila tayo roon. Sabihin mo din sa Diyos, at utang na loob, sabihin mo nang diretsahan. Huwag pagandahin ang istorya ng buhay mo o ikubli ang iyong sitwasyon para maiba sa totoong nangyayari. Alam na ng Diyos—matagal na Siyang naghihintay sa halamanan at nais Niyang magpakatotoo ka nang sapat sa iyong sarili at sa Kanya at sabihin mo lang. Isa pa, gusto Niya ang tunog ng boses mo. Gamitin ito at sabihin sa Kanya. Oras na malaman natin kung nasaan tayo, maaari na Niya tayong akayin mula roon.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Matutunan kung paanong malinaw na itakda ang iyong mga mithiin para sa sarili. Tukuyin ang mga balakid na sumasagabal sa iyo. Magbalangkas ng tiyak na plano sa pag-abot ng mga layunin. Bumuo ng mga kasangkapang tutulong sa iyo upang magawa ang plano.
More